P50B plunder case vs PCSO board, inihain

ISINAMPA na sa Office of the Ombudsman ang plunder case laban sa ilang mga miyembro ng board ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) hinggil ng pagkakasangkot sa umano’y P50-bilyong anomalya sa Small Town Lottery (STL).

Sinabi ni Diego Magpantay ng Citizen’s Crime Watch, kabilang sa ginawang batayan ng kaso ang naging pagdinig ng Kongreso kung saan pinapanagot ang PCSO board kung saan napunta ang bilyon-bilyong pisong pondo sa STL.

Kabilang sa mga respondent sa naturang reklamo ng CCW ay sina General Manager Jose Ferdinand Rojas II, Francisco Manuel Joaquin III, Mabel Mamba, Betty Nantes at Remeliza Gatbuyo.

Hindi naman napasama sa mga kinasuhan si PCSO Chairman Irineo Maliksi.

Ayon kay Magpantay, naniniwala itong hindi sangkot sa anomalya si Maliksi dahil ito pa mismo ang humiling sa NBI na magsagawa ng imbestigasyon sa usapin.

Taong 1987 pa nagsimula ang STL sa pag-asang mapapatigil nito ang iligal na sugal na jueteng pero bigo ito.

Samantala, bilang reaksyon, sinabi ni General Manager Rojas na walang basehan ang naturang mga alegasyon sa halip ay paninira lamang sa board ng PCSO.

Giit pa nito, sa mahigit 80 probinsya sa bansa, 14 lamang dito ang may STL. BOBBY TICZON

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply