Erap, magtatayo ng multi-milyong drug rehab sa Manila Boystown

MAGTATAYO si Mayor Joseph “Erap” Estrada ng isang specialized drug rehabilitation center sa Manila Boystown Complex sa Marikina City upang tulungang makabangong muli ang mga sumukong drug users sa lungsod.

Ayon kay Estrada, sinimulan na ang konstraksyon ng naturang pasilidad sa 23-ektaryang Boystown na pag-aari at pinapatakbo ng pamahalaang lungsod ng Maynila.

“Dapat lang natin tulungan ‘yung mga drug dependents na gusto nang magbagong-buhay, lalo na ‘yung mga walang kakayahang pinansyal. Narito lang ang pamahalaang lungsod para tumulong,” ani Estrada.

“Hangga’t hindi natin tinutulungang magbagong-buhay ang mga drug users at pushers, mananatili pa rin ang illegal drug industry. Rehabilitating drug users would reduce that market and make the drug trade less attractive even for financiers,” dagdag pa niya.

Umabot na sa 412 ang mga drug users at pushers na sumuko sa Manila Police District (MPD) nitong mga nakaraang linggo.

Ayon sa inisyal na plano, isang 100-bed na gusali ang itatayo sa Boystown Complex kung saan isasailalim sa rehabilitation ang mga sumukong drug dependents.

Ang nasabing proyekto ay pinangungunahan ng anak ni Estrada na si Jerika Ejercito, na pinamumunuan ang non-government organization na Initiatives for Life and Action for Women (ILAW).

Tumutulong ang ILAW sa mga kababaihan sa Maynila na dumaranas ng drug addiction, depression, at pang-aabuso.

“In our country, drug addiction is the No. 1 problem. There should be a two-pronged approach to combat it: spend on crime prevention but also spend on rehabilitating the victim,” ani Ejercito sa pagpapatayo ng first-class na drug rehabilitation center.

“One family at a time, one victim at a time, one patient at a time,” dagdag pa niya.

Sa pamamagitan ng ILAW, umabot na sa 70 drug dependents ang nai-admit sa Manila Boystown Complex.

Aminado ang MPD na kulang ang kanilang pasilidad para sa mga sumusukong drug suspects.

Nitong Lunes lang ay 262 drug users, runners, at pushers ang sumuko sa MPD-Police Community Precinct (PCP) 5 sa pamumuno ni Supt. Alfred Barot. Sakop ng PCP 5 ang Intramuros, Ermita, Paco, Pedro Gil at ang Baseco Compound.

Noong isang linggo naman ay 150 pang drug suspects ang sumuko sa PCP 9 sa ilalim ng pamumuno ni Supt. Aldrine Gran. Sakop ng PCP 9 ang Malate.

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply