Pier sa Maynila, palalawakin: P7.4B inilaan

MAIIBSAN na ang congestion sa pantalan sa Maynila sa pamamamagitan ng proyektong pagpapalawak ng pier sa North Harbour Centre.

Sa isang kasunduang nilagdaan ni Manila Mayor Joseph Estrada at ng R-II Builders, Inc. mapapalawak ang nasabing pantalan ng karagdagang 50 ektarya sa pamamagitan ng reklamasyon.

Ayon kay Reghis Romero, Chairman ng R-II Builders, tinatayang aabot sa P7.4-bilyon ang nasabing proyekto ngunit sila ang gagastos dahil aniya sila ang kontratista.

Ang 35-ektarya ng reklamasyon ang tanging magsisilbing bayad para dito habang ang matitirang 15-ektarya ay mapupunta sa pamahalaan upang gawing industrial park.

Nabatid ding ang unang bahagi ng reklamasyon ay magdadagdag ng isang kilometrong daungan ng mga barko. Ito’y kabilang sa 20 pang ektaryang bagsakan at imbakan ng mga kargamento na ‘di naka-container.

Ang pangalawang bahagi ng reklamasyon ay 30-ektarya para sa mixed-use development. Kasama na rito ang mga kalsada at mga instalasyon para sa tubig at kuyente at iba pang mga pangangailangan.

Ang reklamasyon para sa unang bahagi ay nakatakdang matapos sa loob ng isang taon, at ang pangalawang bahagi ay sa loob ng susunod na isa at kalahating taon.

Sinabi naman ni Estrada na makakalikha ng maraming solusyon ang nasabing proyekto lalo na sa problema sa kakulangan ng espasyo para sa industriya at pantalan, at mga bagong mapagkukunan ng kita para sa pangtustos sa mga pangangailangan ng lungsod.

Ang R-II Builders ay isang triple-A na kumpanya na may mga negosyo sa iba’t ibang larangan. Kabilang dito ang konstraksyon, imprastraktura, port development and operations, low-cost housing, property administration, at waste disposal and management.

“With expansion of the North Harbor further out to sea, the existing port facility will now be able to handle larger vessels, thus, reducing the costs of and speeding the process of cargo handling,” ani Romero. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply