Saudia Airlines ‘hijacking’ false alarm – MIAA

BINUBUSISI ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang piloto ng Saudia Airlines Flight SV 872 na galing Jeddah, Saudi Arabia kasunod ng insidente sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 nitong hapon.

Sinabi ni MIAA General Manager Ed Monreal, false alarm lamang ang napaulat na hinijack ang eroplano.

Aniya, nagkamali lamang ang piloto ng Flight 872 sa pagpapadala ng distress call.

Sinabi ni Monreal na 20 milya bago lumapag sa NAIA ay nagpadala ng distress call ang piloto sa Manila Air Traffic Control.

Dalawang beses na ipinadala ng piloto ang distress call kaya bumuo ng crisis committee ang MIAA.

Inatasan ang Flight 872 na lumapag sa Runway 06 ng NAIA para ma-isolate ito at kaagad nag-deploy ng PNP Anti-Hijacking Unit maging ang Aviation Security Group at emergency vehicles sa paliparan.

Ngunit nang inakyat ang eroplano, sinabi ni Monreal na umamin ang piloto na nagkamali lang ito sa pagpindot ng distress call.

Alas-2:30 ng hapon lumapag ang Saudia Airlines sa NAIA ngunit dalawang oras na pinatigil ang mga pasahero sa loob ng eroplano bago sila pababain.

Sinabi ni Monreal na bagama’t false alarm ang nangyari, ipatutupad pa rin ang protocol at isailalim sa inspeksyon ang lahat na bagahe ng mga pasahero.

Ayon naman sa pasaherong si Engr. Lavi Macabando, naging kalmado raw sila sa loob ng eroplano sa kabila ng sitwasyon.

Halos 400 ang pasahero ng Flight 872 na ang iba ay galing pa sa Hajj pilgrimage sa Saudi Arabia.

Sa statement naman ng Saudia Airlines, nagkamali raw ang kanilang piloto sa pagbibigay ng signal na mayroong hijacking sa eroplano. JOHNNY ARASGA

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply