Sylvia Sanchez, aminadong ‘di pinangarap maging bida

NAGSIMULA nang mapanood ang The Greatest Love sa ABS-CBN last Monday September 5. Ang seryeng pinagbibidahan ni Ms. Sylvia Sanchez ang pinakabagong family drama ay isang ‘di malilimutang kwento ukol sa pambihirang pagmamahal ng ina para sa kanyang mga anak.

Sa seryeng ito’y gagampanan ni Ms. Sylvia ang papel na Gloria, isang ina sa apat na anak na mayroong Alzheimer’s disease. Ipakikita rito ang mga sakripisyong kayang gawin ng isang ina para sa kanyang mga anak. Bilang isang ina, ibinibigay ni Gloria ang lahat sa kanyang apat na anak (Dimples Romana, Andi Eigenmann, Matt Evans, at Arron Villaflor), ngunit magbabago ang lahat sa pagbubunyag ng isang malaking sikretong wawasak sa kanilang pamilya na itinago sa kanila sa loob ng maraming taon.

Kasabay ng pagkakawatak-watak ng kanyang mga anak ay ang unti-unti ring paglaho ng mga alaala ni Gloria dahil sa dementia. Ngunit bago mahuli ang lahat, kailangang labanan ni Gloria ang pagtatraydor ng kanyang gunita upang muling pagsama-samahin ang kanyang mga anak at ibalik ang dati nilang samahan.

Sinabi ng award-winning actress na ito ang biggest break niya sa showbiz. Aminado rin si Ms. Sylvia na hindi niya pinangarap na maging bida.

“Actually Tito Boy, hindi ko talaga ine-expect ito. Kontento na ‘ko na kontabida or nanay ng mga bida, hanggang doon na lang ako. Kasi sabi ko, mas maganda yun eh, hindi ka pressured. Nandiyan ka, magdatingan man ang maraming artista… alam mo ‘yon?” Saad niya sa panayam ni Kuya Boy Abunda sa Tonight With Boy Abunda.

Patuloy pa ng ermat nina Arjo at Ria Atayde, “Dito lang ako eh, kasi eto lang yung gusto ko lang na character actress ako, yun lang yon talaga. Never kong pinangarap na, ‘Lord, gusto ko maging bida.’ Kontento na ‘ko sa MMK (Maalaala Mo Kaya), na roon ako nagiging bida bilang nanay, doon lang.

“Pero sabi nga Tito Boy, ang plano ng Diyos ‘pag dumating sa iyo, kapag may plano Siya sa ‘yo, kahit sino ay walang pwedeng makakaharang niyan. So eto ‘yon, after 27 years, ibinigay Niya sa akin. So ako ngayon, naka-smile and isa lang sinasabi, ‘Salamat po Panginoon.’

Bilang isang ina naman, sinabi rin ni Ms Sylvia ang mga advice na ibinibigay sa mga anak pagdating sa acting.

“Yes Tito Boy, like si Arjo, noong nag-uumpisa, igina-guide ko siya. Pero kasi ngayon, na-prove naman niya sa sarili niya, actually nakakawala na nga siya sa shadow bilang anak ni Sylvia Sanchez. Pinapakawalan ko na siya, alam na niya ginagawa niya.

“Ngayon nakatutok ako kay Ria bilang baguhan, siya yung… ‘Anak eto yon,’ Siya yung nakatutok talaga ako ngayon. Sa mga advice, siya yung tinutulungan ko ngayon, but Kuya Boy, lagi kong sinasabi sa kanila, ‘Nandito lang ako para mag-advice sa inyo but at the end of the day, kapag rumolyo ang pelikula, ikaw iyon, kung ano ang nararamdaman mo, iyon ang ilabas mo.’”

Ang iba pang casts ng The Greatest Love ay sina Joshua Garcia, Rommel Padilla, Nonie Buencamino, Boots Anson-Roa, Ynez Veneracion at Guji Lorenzana. With special participation nina Tonton Gutierrez, Ellen Adarna, Ejay Falcon, Junjun Quintana, Anna Luna, Kamille Filoteo at Allan Paule. Ito’y mula sa direksiyon nina Mervyn Brondial at Jeffrey Jeturian. -30-

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply