Undas 2016, kasado na sa Navotas

PORMAL na inatasan ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco ang kanyang mga kapulisan, ang Task Force Dispiplina at Traffic Management, na tiyaking maayos at mapayapa ang gaganaping UNDAS 2016 sa ilalim ng Oplan Kaluluwa ngayong taon.

Nabatid na ang siyudad ng Navotas ay may tatlong sementeryo o libingang kinabibilangan ng Navotas Public Cemetery sa Brgy. San Jose, Immaculate Garden Cemetery at Navotas Catholic Cemetery. Mahigpit din ang pagbabantay at monitoring ng mga force multipliers gaya ng mga barangay tanod at volunteers kasama ng kapulisan sa pagpasok sa loob ng mga libingan.

Mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng patalim o matutulis na bagay, alak, sugal, droga at maingay na musika. Itinakda rin ang huling araw ng paglilinis at pagpipinta ng mga puntod sa Oktubre 30 upang maiwasan ang pagbaha at pagpuputik sa loob ng sementeryo at kukumpiskahin ng mga kinauukulan ang mga gamit gaya ng pintura sa sinomang lalabag dito.

Dahil dito, nakatakda namang isara ang Gov. Pascual mula sa Bacog, Brgy. Daanghari hanggang Los Martirez, Brgy. San Jose, mula ala-1:00 ng hapon ng Oktubre 31 – Nov.1 .

Nagpayo rin ang lokal na pamahalaan na maging responsable sa paglilinis at pagtatapon ng kanilang mga basura at iwasang ikalat para maiwasan ang pagbabara sakaling bumaha kung ulanin ang selebrasyon.

Inaasahan naman ni Mayor Tiangco na magiging sagrado at payapa ang paggunita ng Araw ng mga Kaluluwa sa pamanagitan ng isang mataimtim at tahimik na selebrasyon. ROGER PANIZAL

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply