MPD-SWAT, MAS MARAMI ANG WALANG TRAINING

lily-reyes6

SINASABING ang Special Weapon and Tactics o SWAT ang backbone ng isang command o distrito ng pulisya kaya hangga’t maaari, ang lahat ng miyembro ng SWAT ay kailangang nakapag-training, lalo na ang hepe.

Pero ano itong nakarating sa kaalaman ng Lily’s Files na karamihan daw sa mga miyembro ng SWAT ng Manila Police District ay hindi man lang nakapag-training?

Katulad na lang nitong so PO2 Junie Acuna, lumuwa raw ang bituka sa isang drug operation ng Abad Santos Police Station 7 ng MPD at ngayon ay ginagamot sa Jose Reyes Memorial Hospital.

Ayon sa ating source, nagkaroon daw ng operation ang mga operatiba ng Abad Santos Police Station 7 nitong buwan lang ng Disyembre sa Tondo at sa nasabing operation ay tinamaan ang suspek na isang kilabot na drug pusher. Nakatakbo at nakapasok sa bahay ang tinamaang suspek, at dahil alam ng mga pulis na may baril ito at mga tauhan, humingi daw ng responde si PS-7 Commander, Supt. Daniel sa SWAT na agad namang tumugon.

Nagmagaling daw itong si Acuna at lumapit sa pintuan na walang dalang baril at agad na tinadyakan ang pinto. Hindi man lang ba naisip nitong si Acuna na sugatang suspek ang nasa loob ng bahay? Kaya pagtadyak niya sa pinto ay ginantihan siya ng putok ng uzi na baril at tinamaan nga itong si Acuña sa tagiliran.

Tsk tsk tsk! Kung may training itong si Acuña, sa tingin n’yo kaya ay bigla-bigla itong lulusob nang walang dalang baril gayung alam niya na sugatan ang nasa loob at suicidal na ito.

Ang nakapagtaka lang dito sa hepe ng MPD-SWAT na si C/Insp. Rolando Armendez, bakit tanggap siya nang tanggap ng mga tao riyan na alam naman niyang walang training? Sabi ng ating source, halos 80 porsyento ng mga nasa SWAT ay walang training. Nakupo, paano na lang ‘pag nilusob ng masasamang loob ang headquarters ng MPD?

Paanong dedepensahan ng MPD-SWAT ang kanilang HQ kung ang kanilang mga tao ay walang training at kulang sa diskarte?

Halos tatlong taon na itong si Maj. Armendez na hepe ng MPD-SWAT pero unti-unting naglaho ang magagaling na miyembro rito dahil hindi nila matanggap na kumukuha ng mga miyembro ang kanilang hepe ng mga pulis na walang training.

Alam kaya ni MPD Acting Director PSSUPT. Joel Napoleon Coronel na karamihan sa kanyang mga pulis sa SWAT ay walang training o baka naman nagbubulag-bulagan lang itong ating magiting na Acting District Director dahil may nakapagbulong sa inyong lingkod na bata nito si Maj. Armendez?

Ano itong nakarating sa Lily’s Files na sa huling report daw ay pinalabas na itong si Acuña ang nakabaril doon sa suspek na namatay matapos na mabaril ng mga operatiba ng PS-7 para ma-justify ang pagkaka baril sa kanya? Hmmm, totoo ba ito Col. Jigs? LILY’S FILES/LILY REYES

loading...

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply