ANG MGA BISPERAS

baletodo4

AYWAN kung bakit napakaaga kong nagising noong Disyembre 31. Huling araw ng buwan at huling araw ng taong 2016. After 12 midnight, aba, 2017 na! Bagong Taon na!

Bisperas noong tinitipa ko itong kolum. Ewan kung bakit ganito kaaga naman ang utos ng isip ko na magsulat. At ewan sa inyong panlasa ang laman nito?

Nagtatanong kasi ang aking isip tuwing may okasyon. Pasko. Bagong Taon. Kaarawan. Piyesta, etsetera. Mukhang mas mabigat ang paghahanda ng tao tuwing BISPERAS kaysa araw ng magaganap na okasyon, hindi ba?

Nasa Bisperas ang pokus ng atensyon ng mga naghahanda. Anomang okasyon, kasiyahan o dalamhati, buhos ang loob sa paghahanda ng kalooban – kaligayahan o kalungkutan? ‘Yung mismong araw, abala na.

Katulad ng pista, hindi magkandatuto ang maghahanda ng pagkain para sa mga bisita. Gayundin sa Pasko at Bagong Taon. Sa mga kaarawan o dalamhati, bisperas ang nagtatakda ng lahat. Totoo naman, ‘di ba?

Nitong BISPERAS ng Bagong Taon, wala naman akong inihanda para sa Buena Noche kundi munting pagsasalo ng aming pamilya.

May mga handa nang lulutuin. Kalderetang baka. Tinolang manok at matamis. ‘Yun lang.

Pero matindi ang nararamdaman. Ano nga ba ang ihahatid sa aking buhay, sa aming buhay ng Bagong Taon matapos ang Bisperas?

Para sa akin, ang Bisperas ang nagtatakda ng pag-asa o inaasam natin sa mangyayari sa araw ng hinihintay. Anoman ito, ang Bisperas ang nagsasabi kung tama nga ba ang paghahanda natin, anoman ang okasyon.

Matapos ang Bisperas ay ang araw ng nakatakda. Nabuo ko ba ang dapat asahan ngayon?

Kung anoman ang ipinaghanda, pagdating ng mga bisita, nasiyahan kaya sila? Tama ba ang aking ginawang paghahanda para sa kanila? Naibigay ko ba ang tamang panlasa sa kanila?

Nakatutuwa, hindi ba? Masyado mong inabala ang iyong sarili sa araw ng Bisperas para lamang matiyak mo na buo ang lahat ng iyong pinaghandaang araw.

Ikaw na itong gumastos, napagod, ikaw pa sa iyong sarili ang nag-alala baka hindi tama o kulang ang iyong paghahanda.

Nangingiti ako sa isinusulat kong ito. Ewan kung tama sa inyong panlasa. Pagkatapos nito, nagpainit na ako ng tubig at nagtimpla ng kape.

Nag-isip din kung tama na ang sangkap na niluto para sa Bagong Taon, masisiyahan lang ang pamilya ko sa aming pagsasalo – sa oras ng Bisperas at araw ng kasiyahan! BALETODO/ED VERZOLA

loading...

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply