ANO NA BALITA KAY JACK MAALAM ESTE, LAM?

experto1

SINAMPAHAN ng reklamo itong si Jack Lam patungkol sa paglabag sa Anti-Dummy Law ng Pinas.

Ito ang pinakahuling balita na narinig ko patungkol sa iligalistang intsik na ito matapos ang P50-milyong suhulan sa Bureau of Immigration (BI) na kinasangkutan ng dalawang komisyuner at ang kilalang si Wally Sombero.

Sinasabing maraming iligal na negosyo itong si Lam pero natitiyak kong marami rin itong kakampi para tumagal nang ganoon kahabang panahon ang operasyon ng kanyang mga negosyo.

Nito lang sa administrasyon ni Lolo Digong nayanig ang Lam na ito kaya nga maging ang matagal ko nang naririnig na ‘Wally Sombero’ ay lumutang na sa eksena na kailan man ay hindi nito [yata] ginawa.

Ibig-sabihin, malalim ang laban para mismong itong si Sombero ang umeksena upang maisilid sa bitag ng katiwalian ang dalawang komisyuner ng BI na umabot pa hanggang Punong Tanggapan ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre.

Ang sa akin lang naman ay ang patuloy na pananahimik ng isyu ay nagbibigay ng senyales na tila mayroong nagaganap na naman na usapan sa pagitan ng kampo ni Lam at ng gobyerno na ‘di alam ng taumbayan.

Baka bukas makalawa niyan e… absuwelto na ang Lam na iyan. Baka mapaikutan itong si Sec. Aguirre ng mga kawatan diyan sa BI.
Maalam talaga!

o O o

DAPAT ISARA ANG CHRISTMAS VILLAGE

DAPAT ipasara ng lokal na pamahalaan ng Baguio City ang tanyag na Christmas Village na dinarayo ng marami nating kababayan tuwing panahon ng Kapaskuhan.

Sino nga ba ang mayor ngayon ng Baguio City? Aba’y hindi dapat nabigyan ng Business Permit ang Christmas Village na iyan na matatagpuan sa tapat ng Baguio Country Club dahil sa kawalan ng sapat na paradahan ng mga behikulo.

Kung susundin lang ng gobyerno ng Baguio City ang nakasaad sa Local Government Code at National Building Code ay hindi dapat nabigyan ng Business Permit o Building Permit ang Christmas Village na iyan.

Mantakin naman ninyo, taumbayan! Ang makipot na lansangan sa lugar ang ginawang paradahan o parking ng mga kustomer ng Christmas Village kaya ang resulta ay delubyong daloy ng trapiko.

‘Yung mga iresponsableng mga kababayan naman natin sige lang ang pagparada ng kanilang sasakyan sa lansangan makapunta lang sa Christmas Village na iyon kahit nagkahetot-hetot na ang daloy ng trapiko. Ang kakapal, ang dami nila!

Pero hindi na sana dinayo ito ng mga iresponsableng motorista kung hindi ito binigyan ng permiso ng gobyerno ng Baguio City dahil sa paglabag sa mga alituntunin ng batas sa pagnenegosyo.

Kumita lang kayo ng limpak-limpak na salapi kahit maperwisyo na ang mas nakararaming tao… anak ng kagaw!

***
Para sa komento o suhestyon: eksperto71@gmail.com. EKSPERTO/JOIE O. SINOCRUZ, Ph.D.

loading...

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply