GOODBYE, DE LIMA AT SANTA CLAUS

benny-antiporda12

MABUTI na lang at hindi gumala si Santa Claus sa ating bansa nitong Bagong Taon. Kung dumalaw siya, disgrasya sana ang inabot natin.

Sa Istanbul, Turkey namasyal si Santa Claus at doon naghasik ng lagim.

Nasa 39 patay sa isang klab sa nasabing bansa samantalang daan-daan ang nasugatan sa 700 kataong nagsasaya dahil sa New Year.

Pinagbabaril ni Santa Claus, kasama ang isa pang Santa Claus, ang mga tao at 16 sa mga napatay ang dayuhan.

Mga Arabo umano, batay sa tono ng mga ito, ang mga namaril at itinuring na terorista.

Ipagdasal natin, mga Bro, ang mga biktima.

PATAY SA BARKO

Nasunog din ang isang panturistang barko sa Jakarta, Indonesia na ikinamatay ng 23 katao at ikinawala ng nasa 17 katao.

Magliliwaliw at magsasaya sana ang mga ito para sa New Year din, kasama ang marami pang iba, nang umusok at sumabog ang makina ng barko at mabilis na nagliyab ang kabuuan nito.

Nag-agawan ng life vest ang mga pasahero, nagtalunan sa dagat ang marami at naiwang nasunog ang mga namatay, kasama na rin ang mga nalunod.

Overcrowded umano ang barko nang maganap ang sunog bagama’t sinasabi ng may-ari ng barko na 100 lang ang pasahero nito.

Isinantabi naman ng mga taga-Indonesia na terorismo ang dahilan at aksidente lang bunga ng masamang kondisyong electrical ng barko.

NILAMON NG USOK

Nag-Pasko at nag-Bagong Taon naman sa matinding usok o polusyon ang 30 lungsod at anim na lalawigan ang bansang Tsina.

Hanggang 100 metro lang ang pinakamalayo na tao o bagay na makikita mo at disgrasya ang aabutin mo sa pagpapatakbo ng sasakyan.

Ito rin ang dahilan kung bakit marami ang nakanselang biyahe ng eroplano, kasama na ang papuntang Beijing na kapital ng Tsina.

Panay suot, maghapon at magdamag, ang lahat ng milyon-milyong residente dahil dito at may nagtitinda na rin ng de-bote na malinis na hangin.

Nanggaling ang usok sa mga nagbabagang uling sa mga bahay-bahay laban sa taglamig at sa mga sasakyan at pabrika na pawang umaandar bilang bahagi ng pagsapit ng Pasko at Bagong Taon.

GEN. BATO TUMAKBO

Muntik namang madisgrasya si PNP chief General Ronald dela Rosa sa Bocaue, Bulacan nang umusok si De Lima, este, ang Goodbye De Lima na paputok.

Hawak ni General Bato ang Goodbye De Lima na isa sa mga uri ng bawal na paputok dahil sa sobrang lakas nito.

Alam ni Gen. Bato na delikado ang lugar dahil sa pangyayari batay sa halos taon-taon na mga pagsabog sa sentro ng paputok sa Luzon.

May mga namamatay, nagigiba na gusali at naaabo na mga bangkay sa pagsabog ng mga paputok.

Walang magawa maging ang mga bumbero kundi tumakas at lumayo rin kapag may mga pagsabog dito.

Kaya naman hindi pupwedeng gawing katatawanan ang umusok na paputok, maging ang pagtakbo ni Gen. Bato at mga kasamahan niyang pulis palayo sa lugar.

Ito’y dahil talaga namang walang kalaban-laban ang mahagip ng disgrasya rito.

Matatandaang bago pumasok ang Kapaskuhan, may sumabog na mga paputok sa Sta. Maria, Bulacan na ikinamatay ng kulang-kulang sa 10 katao at ikinagiba ng mga gusali sa paligid.

Sa Ilocos, isang senior citizen ang naputulan ng tatlong daliri nang sumabog sa kanyang kamay ang isang Goodbye De Lima.

MASAYA ANG PINAS

Maiban lang sa mga naapektuhan ng giyera sa Mindanao laban sa terorismo na ikinamatay ng marami-rami ring terorista at sundalo, giyera sa droga, nabagyo nina Nina, Ferdie at Lawin, sunog, disgrasya ng mga sasakyan at iba pa, maituturing na naging masaya ang mga Pinoy sa kabuuan.

Isa itong malaking dahilan para lumakad o lumundag tayo ng isa o marami pang hakbang tungo sa bagong yugto ng ating buhay bilang isang bansa, isang pamilya o isang indibidwal.

Hindi masamang umasa tayo ng mas magandang kalagayan sa taong ito bagama’t marami ang balakid dito.

Kabilang sa mga balakid ang tuloy-tuloy na pagtatangka ng mga kalaban ng administrasyong Duterte na agawin ang kapangyarihan sa pamahalaan.

Anak ng tokwa, nasanay na ang mga ito na lumaban sa halalan ngunit mag-people power naman kung talo.

Naririyan din ang paggapos sa ating bansa ng mga dayuhan para sa pansarili nilang interes at ginagamit na panggapos ang mga oposisyong political o direktang pagpapatalsik o pagpatay sa sarili nating mga lider ng bansa na naninindigan para sa tunay na pambansang kalayaan.

Sana malagpasan natin lahat ito at Happy New Year po sa lahat.

oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09228403333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA

loading...

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply