MGA BEKI, KABABAIHAN LABAN SA TAX SA KIKAY KIT

ALAM kaya ni Ako Bicol Partylist Representative kung gaano karami ang botanteng beki sa buong Pinas?

Kung hindi pa, heto: Nasa 10-milyon umano sila.

Alam din ba ni Cong. Batocabe ang bilang ng kababaihan na botante at mamamayan sa mahal kong Pinas.

Kalahati ng buong 105M populasyon ng Pinas ang kababaihan at nasa 25M ang botante rito.

‘Pag kakandidato ulit ang partylist ni Batocabe, baka magiba ito sa kampanya mula sa mga beki at kababaihan.

NASAKTAN

May mga tunay na lalaki na nasaktan sa panukala ni Cong. Batocabe na buwisan ang mga pampaganda at pampapogi na produkto at gamit.

Pero ang talagang nasaktan ay ang mga beki at kababaihan.

Ang mga beki ay aktibo sa mga parlor at hindi maitatatwa ang kanilang partisipasyon sa pagpapaunlad ng ating buong bayan, kabilang na ang pagpapaganda ng ating mga kababayan at sarili.

Ang mga kababaihan naman, nasasaktan din at hindi luho para sa kanila ang mga produkto at gamit na pandagdag sa kanilang taglay na byuti.

Kung ano ang bilin ni Pangulong Digong sa mga sundalo na maging malinis at smell good and fight good, ganito rin ang taglay-taglay na paniniwala ng mga beki, kababaihan, maging ang mga kalalakihan.

Hindi masama na they look good at smell good at katulong nila ang mga mumunting pampabyuti at pampabango.

Tapos pahihirapan o pagdadamutan sila ng isang partylist?

MAHIRAP ANG BUHAY

Nakalimutan ng nasabing partylist na mahirap ang buhay ng nakararami. At kung tutuusin, marami na rin ang nagtitipid kaya nga nagtitiyaga sila sa mga mumurahing pabango, pampaganda, toothpaste at iba pa.

Sa milyon-milyong obrerong kababaihan sa mga pribadong kompanya at milyon-milyong empleyado sa pamahalaan mula lokal hanggang nasyunal, ang kaunting gamit nila para maging smell good at look good sa trabaho ay importante.

Hindi luho. Hindi luho ang konting foundation, konting make-up, likido na gamit sa paggupit ng kuko, para sa kili-kili, konting polbo, lipistik, hairbrush o suklay, pangkulay sa buhok at iba pa.

Kailangan lang sa trabaho na karaniwang hgiit sa walong oras.

Panlaban sa pagiging bilasa makaraan ang maghapong trabaho.

MARAMI SILANG BUWIS

Ang totoo, silang milyon-milyon ang bilang na kababaihan at beki, kasama na ang mga kalalakihan, ay nabibigatan na sa buwis.

Noon, walang buwis ang mga produktong petrolyo pero nadamay sila sa value added tax dito na ginawa ni Senador Ralph Recto.

Marami sa mga laman ng kikay kit ang galing sa petrolyo kaya nagmahal na ang mga ito.

Nagbubuwis din ang mga beki at kababaihan sa kanilang mga personal income, negosyo, salon at iba pa.

Tapos ang kaunting kaligayahan at importante sa trabaho na mga produkto at gamit ay ituturing na luho at bubuwisan pa?

Bakit, desperado ba ang pamahalaan sa pondo nito?

KORAPSYON

Sa kabila ng pagsusumikap ni Pangulong Digong na mawala ang korapsyon sa pamahalaan mula sa nasyunal hanggang sa mga lokal na pamahalaan, may mga opisyal ng bayan na gustong magnakaw nang magnakaw sa buwis, sa salaping-bayan.

Kung mabuwisan ang mga laman ng kikay kit, magiging salaping-bayan ang mga buwis dito.

Hindi kaya sasalakayin ng mga korap ang salaping-bayan?

Isa pa, saan dadalhin ang buwis sa kikay kit? Ang road user’s tax ay sinisingil ng Land Transportation Office para umano sa mga proyektong makatutulong laban sa masamang kondisyon sa mga kalsada at trapiko.

Saan naman pupunta ang masisingil na buwis sa kikay kit? Puno ng iskam ang road users tax, hindi kaya matutulad ang kikay kit tax?

Nagtatanong lang naman po.

ANO NA ANG NAGAWA?

Ang magandang gawin ng nasabing partylist ay tingnan higit ang kapakanan ng mga Bikolano na sa napakahabang panahon ay bahagi ng bansa na kinatatagpuan ng mga mahihirap.

Mahirap na nga ang rehiyong Bikol, talamak pa ang droga batay sa libo-libong sumusuko sa Oplan Tokhang at pagkakadiskubre ng pinakamalaking shabu laboratory sa buong Pinas, sa Catanduanes lalo na.

Ang paniningil o pagpapataw ba ng buwis sa kikay kit ang solsyon sa mga malalaking prolemang ito ng mga Bikolano?

Nagtatanong lamang po.

oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09228403333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply