TOTAL BAN NG PAPUTOK ANG KAILANGAN

KUNG hindi magpapatupad ang pamahalaan ng “total ban” sa paggamit ng paputok sa bansa, patuloy na mauulit ang mga kalunos-lunos na eksena ng mga duguang pasyente na humihiyaw habang ginagamot sa mga ospital sa tuwing sasalubungin natin ang pagpasok ng Bagong Taon.

Dose-dosenang biktima ng paputok ang isinugod muli sa mga pagamutan sa buong bansa. Karamihan sa mga ito ay mga kabataang biktima ng Piccolo na madaling mabili sa iba’t ibang lugar. Ang iba naman ay nahihirapang huminga bunga ng usok mula sa mga paputok.

Ilang minuto bago pumasok ang 2017 ay 24 na ang bilang ng mga dinala sa Jose Reyes Memorial Medical Center dahil sa pinsalang tinamo mula sa paputok. Umabot naman sa 19 na biktima ang isinugod sa Amang Rodriguez Medical Center.

Ito’y bukod pa sa 141 napinsala ng paputok na naitala ng Department of Health (DOH) mula Disyembre 21.

Bagaman malaking kabawasan ang bilang na ito sa mga biktima sa mga nakalipas na taon, dapat ipagbawal nang tuluyan ang mga paputok na pwede ring maging sanhi ng sunog.

Ang fireworks display sa open parks ay maaaring payagan pero ang paggamit ng firecrackers ay walang lugar sa isang lipunan na naghahangad ng kaligtasan at kapayapaan sa pagpasok ng Bagong Taon.

* * *

Dapat ding matigil ang walang saysay na pagpapaputok ng baril ng makakati ang kamay sa gatilyo sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Naulat na isang residente ng Barangay Mayamot, Antipolo, Rizal at isang naninirahan sa Upper Bicutan, Taguig City ang kapwa tinamaan ng mga ligaw na bala.

Isang 15-anyos na dalagita ang nabaril sa ulo at isinugod sa Jose Reyes Memorial Hospital.

May nabiktima rin ng pamamaril ng “riding-in-tandem” na isinugod sa Jose Reyes at isang pinaputukan ng kanyang mismong kapitbahay sa Batasan Hills, Quezon City na dinala sa East Avenue Medical Center.

Mahigpit ang utos ni PNP chief Ronald dela Rosa sa kanyang kapulisan na hulihin ang bumaril sa mga biktima at kung hindi ay mawawalan sila ng trabaho. Ating abangan kung magagampanan ng mga pulis na hulihin ang mga walang pusong nagpaputok ng baril sa Bagong Taon.

* * *

Nais nating batiin si Baby Ruth Villarama dahil ang pelikulang “Sunday Beauty Queen” kung saan siya ang direktor, ang itinanghal na Best Picture sa ika-42 Metro Manila Film Festival (MMFF).

Bukod dito ay napanalunan din ng naturang pelikula ang Best Editing at Gatpuno Antonio J. Villegas Cultural Award. Isa rin ito sa tatlong pelikula na itinanghal na Children’s Choice kasama ang “Saving Sally” at “Vince & Kath & James”.

Si Villarama ay dati kong estudyante sa Journalism sa University of Santo Tomas (UST). Congratulations, Baby Ruth.
Isa kang tunay na alagad ng sining.

* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side-_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.

loading...

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply