DISIPLINA AT PARUSA SA SCALAWAG COPS

benny-antiporda12

IBA’T IBA ang naging pagtrato ng mga awtoridad sa mga pulis na natagpuang scalawag at pinapunta at iniharap kay Pangulong Rodrigo Duterte kamakalawa.

Para kay Philippine National Police Director General Roland ‘Bato’ dela Rosa, retraining ang nakita niyang remedyo.

Hindi naman sumang-ayon sa kanya ang National Police Commission na nagsabing sibakin na lang sila.

Kay Pang. Duterte naman, bukod sa paglilinaw kung gaano kaseryoso ang pagkakasala ng mga ito, matinding disiplina at pagtaya ng buhay sa serbisyo ang nararapat sa mga ito.

Kung pupwede lang na pagpapatayin na lang ang mga ito ay ginawa na niya noon din.

ANG MGA KASALANAN

Iba’t iba umano ang mga kasalanan ng mga pulis na kulang-kulang sa 300 ang bilang at galing sa lahat ng distrito ng kapulisan sa Metro Manila.

May mga pala-absent sa duty, may sinasadya ang pagpapakita lang sa kanilang opisina para sumahod kada kinsenas at katapusan, may mga nasangkot sa kotongan at iba pa.

‘Yun bang === ang parusa ay pupwedeng sermon lang o suspension o pagkasibak o pagkakulong ng iba’t ibang haba ng panahon.

Bilang ama ng mga pulis, naiintindihan natin si General Bato sa pagsasabing madaraan sa retraining ang mga ito, at least, sa may mga “magagaan” ang mga paglabag sa mga umiiral na batas.

PAGSISIBAKIN NA LANG

Ang National Police Commission ang humahawak sa kaso ng mga ito ngunit pang-administratibo lamang at hindi pang-kriminal na papunta sa pagkakakulong.

Sa administratibo na pagtrato sa mga nagkakasalang pulis, pagkasibak sa empleyo sa pulisya ang pinakamataas na parusang maigagawad na siyang posisyon ng Napolcom sa mga scalawag.

Pero hindi naman pupwedeng pagkasibak ang parusa para sa lahat dahil iba’t iba ang bigat ng pagkakasala ng mga ito.

Kaya naman tiyak na may babalik at babalik sa serbisyo, lalo na ang mga may parusang sermon o suspensyon lang.

FIRING SQUAD

Para kay Pang. Duterte, ‘yung nasa likod ng isipan ng mga pulis ang kanyang pinuntirya kaya hindi na kailangan ang retraining kundi matitinding disiplina at pagpusta ng buhay ang nararapat sa mga scalawag.

Kung pinahihintulutan lang ng batas na pagpapatayin agad ang mga scalawag ay ginawa na niya umano.

Ayon sa Pangulo, scalawag ang mga pulis na pumasok sa PNP nang may layuning gumawa ng krimen o utak-kriminal.

‘Yun bang === ang pagpupulis ang nakikita ng mga scalawag na paraan para sila kikita ng malaki kahit sa pinakamaigsing panahon.

Sila ang nangongotong; sangkot sa droga bilang ninja cops, druglord at protektor ng mga druglord, tulak at adik; nagsa-sideline o nagmu-moonlighting o nagki-kinsenas-katapusan para gamitin ang kanilang pagkapulis sa mga iligal na gawain para kumita.

MAY GAWA NG EJK

Ang masakit, gamit-gamit ng mga anak ng tokwang ito ang mga baril, tsapa, uniporme, patrol car, pera ng gobyerno at pribilehiyo ng mga ito bilang pulis sa paggawa ng krimen.

Ayon sa Pangulo, ang mga scalawag na ito ang gumagawa ng mga kontrobersyal ngayong salita na EJK o extrajudicial killings bilang pantakip sa pagkakasangkot nila sa iba’t ibang krimen.

Pinapatay nila ang mga bata-bata o kasabwat nila sa mga krimen at kasabay nito ang pamemera nila sa lahat ng krimen, kasama na ang paghuhulidap at pagbebenta nasasamsam nilang droga at pagbulsa ng mga salaping bayan na para sana sa mga buy-bust operations.

Ito ang maliliwanag na laman o bumubuo ng utak ng mga scalawag kaya naman hindi dapat na ma-retrain o masibak lang ang mga ito kundi maisalang sa lumiliyab na apoy ng digmaan at matinding pagdidisiplina.

DESTIERRO SA DIGMAAN

Sa huli, iniutos ng Pangulo na ipadala sa Basilan ang mga scalawag at sa loob ng dalawang linggo ay dapat nakaalis na ang mga ito.

Nang maiwan si Gen. Bato para asikasuhin ang mga scalawag, kasama sa mga lugar na pupuntahan ng mga ito ang Sulu at iba pang lugar na may mga terorista at digmaan.

Ayon sa Pangulo, 2-5 taon ang ibinibigay nitong palugit sa mga pulis doon.

Kung mamamatay sila, hindi sila dapat na gastusan ng pamahalaan sa paglilibing at doon na rin sila ilibing.

Kung mabubuhay man ang mga ito at makabalik sa serbisyo, antayin nilang makababa sa puwesto ang Pangulo at magbarilan na lang sila.

Sa lagay na ito, buo ang ating pagsuporta sa inilatag ng Pangulo na kondisyon sa lahat ng mga scalawag na pulis.

Sana walang maging hokus-pokus na gagawin ang mga opisyal ng pulis na maglalapat ng kautusan ni Pang. Digong.

oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09228403333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA

loading...

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply