KUNG HINDI KAKAMPI, KALABAN ‘YAN

experto1

MASUSUBUKAN ang liderato ni House Speaker Pantaleon Alvarez sa isyu ng panukalang batas na magbabalik ng parusang bitay sa ating bansa.

Hindi naman daw nagbabanta si Alvarez sa kanyang mga kaalyado sa Kongreso na kanyang naamoy na kontra sa kagustuhan ni Pangulong Digong na ibalik ang parusang bitay pero ang punto niya… sibak ang sinumang sumalungat!

Nalalapit na kasing pagbotohan ang naturang panukalang batas na kinakailangan ng sapat na boto mula sa hanay ng mga Kongresista upang tuluyan na itong pagtibayin sa Kongreso.

Subalit may umusok na ibang kulay, ibang argumento na kontra sa kagustuhan na ito ni Alvarez bilang lider ng Kongreso – maging ang tinatawag na ‘Super Majority’ na ibinibida ng kasalukuyang administrasyon ay nagkahetot-hetot ang tindig.

Hindi ko naman maaring sisihin si Alvarez sa isyu na ito dahil naturalmente na isulong niya ito sang-ayon sa kagustuhan ng kanyang kaalyado na si Lolo Digong bilang isang partido-pulitikal.

Kahit siguro labag sa kalooban nitong si Alvarez na ibalik ang parusang bitay ay hindi siya maaring kumontra kay Lolo Digong maliban na lamang kung lilisanin niya ang kanyang trono para sa kanyang prinsipyo o tindig sa isyung ito.

Ganoon din dapat ang iba pang kaalyado ng Lolo Digong ko sa Kongreso. Ang mga Kongresistang kilalang kaalyado ng administrasyon na sasalungat sa isyung ito ay marapat lang lisanin ang kanilang masustansiyang trono sa Kongreso.

Huwag na sana nilang antayin pa na sibakin sila ng liderato ni Alvarez sakaling sila ay sumalungat sa parusang bitay. Malinaw naman na tangan nila ang masustansiyang trono nang dahil sa pagiging kaalyado ng Malakanyang.

Simple lang ito, taumbayan. Sa larangan ng pulitikahan sa ating bansa, ang sinuman ang hindi kakampi ay dapat ituring na kalaban. At kung kalaban ka ng administrasyon, aba’y ihanda mo ang iyong sarili – masasaktan ka na, gutom ka pa.

Napakadupang naman ng isang Kongresista na sasalungat sa kagustuhan ni Lolo Digong sa pamamagitan ni Alvarez subalit tulo-laway pa rin niyang gustong mapanatili ang kanyang trono sa Kongreso. Ano ka, sinusuwerte?!

***
Para sa komento o suhestyon: eksperto71@gmail.com. EKSPERTO/JOIE O. SINOCRUZ, Ph.D.

loading...

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply