ANG MGA KUMPANYANG LUMURAY SA KALIKASAN

Firing-Line-Robert-Roque-Jr.

KINONDENA ni President Duterte ang mga kompanya ng minahan dahil sa pagluray na ginawa nila sa kalikasan sa ilang bahagi ng bansa.

Sa isang pulong-balitaan ay inilabas ni Duterte ang kanyang galit, kasabay ng paggamit ng makukulay na salita na kanyang nakagawian, habang ipinakikita ang mga larawan ng nakawiwindang na epekto ng minahan sa lugar. Daig pa nito ang dinaanan ng bagyo.

Nawala ang mga puno sa kagubatan at pati na mga isda sa tubig na naging kontaminado. Kinukuwestyon niya kung nasaan na ang yaman ng kalikasan na ipinagkaloob sa atin ng Panginoon. Saan kukuha ng makakain ang mahihirap?

Ito ang dahilan kung bakit naniniwala ang Pangulo sa ipinaglalaban ni Environment Sec. Gina Lopez. Pinag-iisipan tuloy ni Duterte na payagan si Lopez na magpatupad ng pagbabawal sa pagmimina sa buong bansa.

Hindi raw magiging pantay-pantay kung ang maliliit na kababayan natin na nagkakaingin o nagsusunog ng halamanan sa ilang bahagi ng kagubatan para sa bagong pananim ay hinuhuli samantalang ang malalaking minero ay pinalulusot.

Papayagan naman daw ng Pangulo ang responsableng pagmimina kung saan pinuprotektahan ng mga kumpanya ang kalikasan na nakapaligid sa kanilang pinagmiminahan.

Sa katunayan ay kinilala niya ang pagsisikap ng mga kompanya ng pagmimina na nagsasaayos at muling bumubuhay sa kapaligiran ng kanilang ginagalawan.

Pero makabubuti umano na magkaroon muna ng total ban sa pagmimina at makausap niya nang masinsinan ang mga minero, nang kahit sila-sila lang o kaharap ang media, upang maipaliwanag sa kanya kung bakit nagkaganito ang ating mga kagubatan.

Bukod pa rito, ayon kay Duterte ay may mga kompanya ng pagmimina na nagpopondo umano sa oposisyon para pabagsakin ang kanyang administrasyon.

Alam na raw ng Pangulo kung sinu-sino ang gumagastos para matuloy ang naturang masamang balakin. Bahala na raw ang mga pulis at militar kung susuportahan nila ang mga pagtatangka na ito.

Kung totoong pinopondohan ng ilang kumpanya ng pagmimina ang pagpapabagsak sa administrasyon, patunay lang ito na desperado na sila at gustong mapalitan si Duterte ng ibang opisyal na kaya nilang diktahan at hawakan sa leeg.

Tama si Duterte na ang P70 bilyon na inaambag ng pagmimina sa kaban ng gobyerno ay hindi sapat kung ikukumpara sa laki ng pinsala na kanilang idinudulot. Kapuri-puri na hindi siya kayang payukuin sa kagustuhan ng mga minero.

Hindi rin nagkamali ang Pangulo sa pagsuporta kay Lopez, na hindi kayang pasukuin ng industriya ng pagmimina. Naniniwala ang Firing Line sa kanyang ipinaglalaban. Protektahan natin ang Inang Kalikasan.

* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side-_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.

loading...

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply