Nai-invade na ng theatre artists ang pelikula!

SA pelikulang Baka Bukas, na nagtatampok kina Jasmine Curtis-Smith at Louise de los Reyes bilang lesbian sweethearts, may best friend na dalawang bading si Louise.

Dalawang guwapitong bading na either one ay puwedeng iprisintang boyfriend ng isang girl na gustong magpasiklab.

Guess, kung sino ang dalawang guwapong bading na yon?

Ang stage actors na sina Nelsito Gomez at Gio Gahol!

Kagaganap lang ni Nelsito sa title role ng dulang My Name is Asher Lev na itinanghal sa Performing Arts and Recreation Center sa San  Juan City.

Hindi bading ang batang pintor na Jew na ginampanan n’ya.

Pero gumanap na rin sa teatro si Nelsito bilang bading na di-buking.

Mga two years ago yon, sa Dog Sees God, ng Twinbill Theater na siya ring producer ng katatapos lang n’yang play na My Name is Asher Lev.

(Ang  Dog Sees God ay parody ng Charlie Brown character sa Peanuts cartoon series.)

Siguro ay nakasama pa si Nelsito sa iba pang pagtatanghal ng Rep pagkatapos ng Camp Rock bagama’t di namin nabalitaan at napanood ang mga iyon.

Sa Dog Sees God na nga namin siya susunod na napanood, at siya na ang lead actor du’n.

Gumanap din siya sa Suicide, Inc., ng Twinbill Theater pa rin, pero ang napanood namin sa play na iyon ay ang ka-alternate n’yang si Bibo Reyes.

Hindi bading ang role– kundi isang nagmumultong teenager na nag-suicide.

Si Gio naman ay kabilang sa mga bidang bading sa kasalukuyang palabas na musical na Carediva ng Philippine Educational Theater Association (PETA).

As far as we know, unang pagganap pa lang n’ya ng bading sa entablado ang ginagawa n’ya ngayon sa PETA.

Yung sa Baka Bukas n’ya ay baka una pa lang din n’ya sa pelikula.

Choreographer din si Gio, at siya pa nga ang choreographer ng Rak of Aegis na naging napakalaking hit musical ng PETA.

Graduate siya ng Ateneo de Manila University kung saan nagsimula siyang umarte at maging choreographer.

Madalas siyang makasali sa mga pagtatanghal ng Peta.

Actually, November pa last year unang ipinalabas sa ilang sinehan lang ang Baka Bukas bilang bahagi ng Cinema One Originals digital film festival, na proyekto rin naman ng ABS-CBN, Inc. (gaya rin ng Star Cinema, na siya ngang magri-release nationwide ng Baka Bukas).

Ang real-life lesbian na si Samantha Lee ang direktor ng pelikula.

Kahanga-hanga nga ang mga stage actors dahil kahit na nagbibida na sila sa entablado, tumatanggap pa rin sila ng supporting roles sa pelikula o sa teleserye.

Actually, maski naman non-lead roles sa theater productions ay tumatanggap pa rin sila kahit nakapagbida na sila.

Sa totoo lang, vibrant na vibrant (masiglang-masigla!) ang theater circuit sa bansa ngayon.

Bukod sa mga institusyon nang gaya ng Tanghalang Pilipino, PETA, Rep, Gantimpala, nariyan ang may ilang taon na ring Atlantis, Nine Works, Red Turnip Theater, MusicArtes, Ephesus, at Kids Act.

Meron ding lagpas na sa isang taon sa masiglang pagpo-produce tulad ng Theater in the Black at at ang Twinbill Productions nga.

May school-based theater companies rin na inilalahok sa cast ng mga produksyon nila ang ilang professional actors, pati na ang mga graduate nila na sa entablado nila unang nahubog bilang aktor.

Kabilang sa mga ito ang student theater companies ng Ateneo de Manila

University at University of the Philippines.

May young professionals ngayon na fulltime performers na sa teatro at iba pang venues (gaya ng corporate shows, kung saan nagho-host sila o kumakanta).

Teatro ang main career nila.

Parang maaayos naman ang pamumuhay nila, lalo pa’t kapisan pa sila ng mga magulang at kapatid nila.

Gayunpaman, halos tiyak na maraming fulltime theater arts practitioners ang naghahangad na paminsan-minsan ay maging mainstay sila sa isang teleserye para magkaroon sila ng regular income kahit sa loob lang ng ilang buwan.  SHOWBYTES /DANNY VIBAS

loading...

About pler

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply