BFP BOSS NAMUMURO KAY DU30

NANGGAGALAITI raw si Pangulong Duterte sa mga natatanggap na ulat na katiwalian diyan sa Bureau of Fire Protection (BFP).

Dahil sa ulat, umabot na pala sa kaalaman ng Pangulo ang minsa’y natalakay na nating ‘hokus-pokus’ sa bilyong fireman’s inspection stipend.

Kada taon, bilyong piso ang pinaiikot ng BFP bilang allowance ng mga bumbero sa kanilang inspection job sa mga business establishment.

Pero sa reklamo ng mga bumbero, hindi nila nakukuha ang nasabing allowance dahil mina-magic ng mga korap na BFP official.

Bukod sa inspection fund scam na ito, matagal nang pinagkakakitaan ng mga tiwa-ling bumbero ang fire extinguisher racket.

Ang anomalya sa inspection stipend at fire extinguisher ay dalawa lamang sa napakaraming kalokohan sa ahensya.

Ang mga katarantaduhang ito, ayon sa nakapanayam ng Chokepoint mula sa Palasyo ay tila ‘di naging sapat na dahilan para magalit ang very busy na Pangulo.

Pero ang nagpapagalit ngayon kay Pangulong Digong, ayon pa sa palace insider natin – ay ang maiinit na pinag-uusapang overpriced umanong fire trucks.

Ipinag-utos na raw ng Pangulo ang pagsilip sa deal ng DILG sa Australian company na kinontratang magsu-supply ng pamatay sunog.

Matatandaang sinulatan kamakailan ng tatlong DILG undersecretary si DU30 na nagsasalaysay sa nangyayaring katiwalian sa DILG, isa rito ang ‘overpriced’ trucks.

Pinaniniwalaang ang naturang sulat ang nagpausok ng galit kay Pangulong Digong kaya kahit kaibigan at kaalyado, sinibak (pa rin) si Sec. Ismael Sueno.

Batid ng Pangulo na ‘di korap ang kaibigan at kaalyadong matagal na sa Davao City, pero dahil sa maling advice ng ilang tiwaling BFP official, napariwara si Sueno, ayon sa source.

Walang pangalan ng BFP official na binanggit ang source na pinasisilip ng Pangulo, pero bilang pinakamataas na opisyal ng ahensya, mananagot, aniya si Director Bobby Baruelo.

Isa sa sinisilip ay ang pag-iisyu ni Baruelo ng Bureau Order na nagcre-create ng Inspection and Acceptance Committee para sa 76 units ng Rosenbauer firetrucks.

Ang multi-million firetruck anomaly ang naging dahilan kaya natanggal si Sueno, pero bakit pilit pa raw iginigiit ng fire chief ang ‘maanomalya’ umanong deal.

Namumuro na yang si Baruelo, ayon sa mapagkakatiwalaang palace source. CHOKEPOINT/BONG PADUA

loading...

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply