KALUSAN SA OMBUDSMAN AT SINA TUASON, NAPOLES

NGAYON pa lang ay inaaskaran na ng Office of the Ombudsman (OMB) ang mungkahi na maging state witness si Janet Lim-Napoles sa mga kasong pork barrel.

Sa pag-unawa natin sa mga pahayag ng Department of Justice, maraming kasong pork barrel ang hindi inaasikaso o wala pa sa kamay ng OMB sa samu’t saring dahilan.

Kabilang sa mga pangunahing dahilan, ayon sa mga kritiko, ay pamumulitika at malinaw umanong nakita ito sa pag-concentrate lang ng OMB sa mga kaso laban kina Manong Johnny, Jinggoy Estrada at Bong Revilla na pawang tinik sa lalamunan ng nakaraang administrasyong Benigno Aquino III.

KINALIMUTAN NI DE LIMA

Matatandaan pa ba ninyo na maraming kasong pork barrel ang gustong imbestigahan noon ni dating Justice Secretary Leila de Lima ngunit dumating ang halalang 2016, hindi na itinuloy ang mga ito?

Si De Lima ang katuwang ng OMB noon sa pag-iimbestiga.

Ayon sa Palasyo ngayon, maraming masasagasaan noon na kakampi ng Liberal Party nina PNoy at presidential bet Mar Roxas kaya hindi itinuloy ang mga kaso.

Tanong: Isa ba ito sa mga gustong buhayin ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre?

At malinaw na gusto nang isama ang pandarambong sa Disbursement Acceleration Program.

P12B + P147B DAP

Para kay Sen. Chiz Escudero, lumalabas na hanggang P6 bilyon lang ang kinasasangkutan ni Napoles, pero lumilitaw na aabot sa P12B lahat ng sakop ng pork barrel scam.

Kaya naman, ipinagdiriinan nito na tama lang na may managot sa ibang mga kasong nauugnay sa P6B na hiwalay sa P6B kaso ni Napoles.

Ito rin ba ang target ni Aguirre na kalkalin at isasama na rito ang mga pandarambong sa P147 DAP?

At si Napoles ang magiging susi ng pagbubukas ng baul ng mga pandarambong na ito?

STATE WITNESS

Ngayon nga ay pinag-iisipan ng DOJ na gawing state witness si Napoles. At sinasabi nitong hindi apektado ang mga naunang kaso nito na kinabibilangguan niya sa Camp Bagong Diwa.

Nakapagtataka lang na todo-kontra ang OMB sa pagiging state witness ni Napoles.

Mismong si Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang nagsasabing haharangin niya si Napoles.

SI RUBY TUASON

Kung matatandaan ninyo, nasangkot si Ruby Tuason sa pork barrel scam ng isa o dalawa sa mga senador na nakulong.

Umamin siyang nakatanggap ng komisyon na nasa P40-milyon na katumbas ng 5-10 porsyento sa mga pork barrel ng mga senador at ni Napoles.

Isinauli niya ito sa Ombudsman ngunit sinabi ng huli na hindi ang pagsasauli ni Tuason ang dahilan ng pagiging state witness niya kundi ang personal niyang nalalaman sa iskam.

SI JANET NAPOLES NAMAN

Naniniwala ang DOJ na parang si Tuason ngayon si Napoles.

Personal umanong nalalaman ni Napoles ang mga iskam na kinasasangkutan ng mga hindi kinanti nina Morales at De Lima na matataas na opisyal noon.

Maaaring kasama sa mga kaso sina ex-President Aquino, Butch Abad at iba pang senador at kongresman na kaalyado ng mga ito.

Hindi kaya ang kalagayang ito ang dahilan kung bakit todo-kontra mismo si Morales sa mga hakbanging ng DOJ ngayon na pagkalkal pa nang mas malalim at mas malawak na iskam sa pork barrel, kasama na ang DAP?

LINISIN ANG OMB

Kung may pinoprotektahan ang OMB na mga dati at kasalukuyang matataas na opisyal ng pamahalaan na sangkot sa mga korapsyon at pandarambong, walang dahilan upang manatili pa ang mga matataas na opisyal ng OMB.

Kailangan silang kalusin upang matiyak ang pag-iral ng katarungan.

oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA

loading...

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply