Magka-live-in, dinukot saka pinaslang

KAPWA patay nang matagpuan sa magkahiwalay na lugar ang isang magka-live-in matapos puwersahang dukutin ng mga nakamasakarang suspek na nagpakilala umanong mga pulis sa Navotas City kagabi, Martes.

Positibong kinilala ni Kristine Jugadora ang kanyang ina na si Jenny Royo, 45, at kanyang stepfather na si Rogelio Gilbuena, 56, kapwa ng Market 3, Navotas Fishport Complex, Brgy. North Bay Boulevard North (NBBN).

Sa imbestigasyon nina PO3 Joemir Juhan at PO1 June Paolo Apelido, unang natagpuan ang bangkay ni Jenny sa Babanse St., Brgy. NBBS dakong 10:40 ng gabi.

May mga tama ng bala sa iba’t-ibang parte ng katawan ang biktima at narekober ng mga tauhan ng NPD-CLO sa pinangyarihan ang apat na basyo ng bala ng hindi pa matukoy na kalibre ng baril, ilang alahas at pera ni Jenny na nakasuksok sa kanyang bra.

Makalipas ang mahigit isang oras, natagpuan naman ang bangkay ni Rogelio sa loob ng Navotas Municipal Cemetery sa Gov. Pascual St., Brgy. San Jose dakong 11:34 ng gabi kung saan may mga tama rin ito ng bala sa ulo habang tatlong basyo ng bala ang narekober sa crime scene.

Ayon sa mga anak ng biktima, dakong 8:00 ng gabi nang puwersahang dukutin sa kanilang bahay ng nasa 10 armadong kalalakihan ang live-in partner at dadalhin daw sa presinto.

Aminado naman ang mga anak na dating gumagamit ng droga si Jenny pero tumigil na ito habang si Rogelio naman ay wala umanong bisyo.
Inaalam pa ng pulisya kung may kaugnayan sa iligal na droga ang motibo sa insidente at ang pagkakilanlan ng mga suspek. ROGER PANIZAL

loading...

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply