22 P/SUPT. SA DROGA, RAPE, MURDER, EXTORTION, ATBP.

PAGKAKASANGKOT sa droga, murder, extortion o kotong, pakikiapid, pagtatanim ng ebidensya, arbitrary o illegal arrest at kapabayaan sa trabaho.

Ito ang mga dahilan kung bakit may mga natiwalag na pulis sa serbisyo, ayon kay Philippine National Police chief Roland ‘Bato’ dela Rosa.

Nasa 16 ang superintendent o kernel at 6 na senior supertintendent ang nasibak.

Pinakamarami sa mga natiwalag ang police officer 3, pangalawa ang PO1 at pangatlo ang senior police officer 1.

WALANG NGALAN

Sa ulat mismo ni Hen. Bato, 150 pulis ang may dismissal order na kanyang pinirmahan.

Nauna rito, mayroon nang naiulat na mahigit 260 na sinibak na pulis.

Tiwala tayong totoo ang lahat ng ito.

2 PINANGALANAN

May napuna lang ng ating Uzi, mga Bro.

Dalawang pangalan lang ang nabanggit ng magiting na heneral. Sina Supt. Lito Cabamongan at Supt. Ma. Christina Nobleza.

‘Yung pinakamadaling mapatunayang paglabag sa batas ang batayan ng dismissal nina Cabamongan at Nobleza.

Si Cabamongan ay nagpositibo sa droga sa drug test at si Nobleza naman ay kwestiyunable ang pagpunta sa Bohol habang hepe ito ng PNP Crime Laboratory ng Davao.

Mahirap umanong mapatunayang nagnakaw ng shabu sa kanyang laboratoryo si Cabamongan at mahirap ding mapatunayang tumutulong sa mga terorista si Nobleza kahit lover pa niya ang isang Abu Sayyaf member na tagagawa ng bomba.

HINDI PA PINAL

Mga kasong nilitis na administratibo ng PNP-Internal Affairs Service ang saklaw ng sinasabi ni Hen. Bato.

Makaraan niyang pirmahan ang mga dismissal order, buo pa rin ang karapatan ng mga pulis na mag-apela.

Sinasabing sa National Police Commission pwedeng mag-apela ang mga dinismis ni heneral. At maaaring mabaligtad pa ang mga ito sa Napolcom.

Tanong: Awtomatiko bang matanggalan agad ng uniporme, baril at tsapa ang mga pulis na ito?

Mukhang hindi dahil sinasabing hindi pupwedeng ipatupad ang isang desisyon na may apela.

Pulis pa rin ang mga sinibak kung ganoon.

Hindi nga lang siguro sila mabigyan ng assignment kundi magkamot lang ng betlog sa mga holding center.

Isa pa, paano rin ang mga naisyung baril na private sa kanila, matatanggalan ba ng lisensya at makukumpiska?

MALAKING KAHINAAN

Bukod sa posibleng mabalewala ang desisyon ni Hen. Bato sa baligtad na desisyon ng Napolcom, may malaking kahinaan din ang desisyon.

Walang iba kundi ang kawalan ng ngalan ng mga pulis na sinibak sa media.

Kaya kahilingan na rin sa kanya na magbigay ang PNP-IAS ng ngalan ng mga pulis na ito sa media para mai-publish, kasama ang litrato ng mga ito.

Marami kasing balita ang lumalabas na pinagtatawanan lang ng mga sinasabing ‘dinismis’ na pulis ang dismissal order.

Kung mailabas sa media ang ngalan at pagmumukha ng mga ito, malaking bagay ito sa mga mamamayan.

Pwedeng ipaskil ang mga ito sa mga barangay at hindi lang sa istasyon ng mga pulis.

O hamon ngayon ito sa PNP-IAS na tiyak namang aaprubahan ni Hen. Bato.

Titirahin ba si Hen. Bato ng paglabag sa Human Rights kapag inilabas sa media at ipaskil sa mga barangay ang larawan at ngalan ng mga pulis at ang katwiran ay iaaapela o nakaapela pa ang kaso ng mga ito?

Ambot!

KUNG WALA NA

Nagtatanong ang ating Uzi.

Paano umano kung wala na sa Malakanyang si Pangulong Digong at sa Camp Crame si Hen. Bato?

Madali kasing lumipas ang lima pang taon na panunungkulan ng mga ito.

Isa pa, mismong si Pang. Digong ang nagbibiro ng katotohanang anomang araw ay mawala siya sa anomang dahilan.

At bilin niya, sundin ang Konstitusyon na nagsasabing ang Bise Presidente ang papalit sa kanya at may iba pa sakaling mawala rin ang Bise Presidente.

Pupwede kasing maging Pangulo ang Senate President, ang Speaker of the House at Chief Justice ng Supreme Court.

Pupwede kayang bumalik kaagad ang mga nadismis na pulis?

Paano rin ang mga heneral na sinibak sa tungkulin ni Pang. Digong sa pagkakasangkot sa droga ngunit nanatili pang pulis.

Babalik din ba sila?

Bitin ang ating Uzi at bitin din tayo, mga Bro.

oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA

loading...

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply