Bodycam sa mga pulis, ipinapapasa na sa Kongreso

NANAWAGAN muli si Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon sa mga kapwa mambabatas na aprubahan ang inihain niyang BodyCam Bill o House Bill 274.

Sinabi ni Biazon na noong nakaraang taon pa niya inihain ang panukalang paglalagay ng body camera sa mga pulis tuwing may isasagawang operasyon.

Naniniwala ang kongresista na ang paglalagay ng body camera ang magsisilbing ebidensya at “neutral eyewitness” kung may mga paglabag na ginagawa ang mga awtoridad.

Ang mungkahing ito ni Biazon ay bunsod na rin ng pagpatay ng mga pulis sa Grade 11 student na si Kian Loyd delos Santos sa Caloocan matapos ang Oplan Galugad na isinagawa ng pulisya.

Naging dahilan ang pagkakapatay sa menor-de-edad sa kabi-kabilang protesta ng iba’t ibang grupo para sa panawagan na itigil na ang paraan ng gobyerno sa kampanya kontra iligal na droga.

Hindi aniya magiging malinaw ang isang kaso kung ang puro pagbabatayan ay ang magkakasalungat na sinasabi ng PNP at ng pamilya ng mga namatayan.

Dinepensahan naman ni Biazon ang panig ng PNP at sinabing may mga pagkakataon din na ang mga pulis naman ang naabuso o nababaligtad sa sitwasyon.

Giit pa ni Biazon, masasagot lamang ang mga katanungan kung maipapatupad ang paglalagay ng body camera sa mga pulis upang nakadokumento ang bawat galaw at mga pangyayari.

Dagdag pa ng mambabatas, handa ang Kamara na suportahan ang budget ng PNP para sa ilalaan na pondo sa pagbili ng mga body camera. MELIZA MALUNTAG

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply