Gilas hiniya ang China

romeo1

NASILAT ng Gilas Pilipinas ang defending champion na China sa score na, 96-87, sa kanilang unang laro sa FIBA Asia Cup sa Beirut, Lebanon nitong Miyerkules ng gabi.

Sinurpresa ng mga Pinoy player ang mga llamadong manlalaro ng China sa shooting performance.

Mula pa lamang sa first quarter hanggang sa fourth quarter ay abanse ang Gilas at sa huling bahagi ng laro ay biglang nakahabol ang China.

Pero biglang pumutok sa huling tatlong minuto si Terence Romeo at naisalba ang Pilipinas mula sa powerhouse team.

Sa first quarter ay agad na lumamang ang Pilipinas at sa second quarter ay umabot pa sa 17 points ang tambak sa China.

Sa last quarter maraming mga fans ang kinabahan dahil dumating sa punto na umabanse pa ng tatlong puntos ang China.

Sa last 12 points ng Gilas, walo rito ay mula kay Romeo.

Nagtapos si Romeo ng 26 big points, 4 assists kabilang ang 5-of-7 beyond the arc.

Nagsama rin ng puwersa sina Japeth Aguilar na may 7 points at 5 blocks at Raymond Almazan na may perfect from the field na 9 points, kahit pa mga higante ang karibal na players.

Maliban sa magandang opensa at depensa ng team, nagpakitang-gilas din ang Filipino-German sa kanyang debut sa FIBA Asia na si Christian Standhardinger na may 15 points at 6 rebounds.

Ang tinaguriang best point guard in Asia na si Jayson Castro ay nagbuslo naman ng 13 points at 7 assists, si Matthew Wright ay nag-ambag ng 12 points, habang si Roger Pogoy ay nagtala naman ng siyam na puntos.

Hindi inalintana ng national squad ang kawalan sa laro ng 6-foot-11 na PBA MVP na si June Mar Fajardo dahil sa injury, gayundin ang naturalized player na si Andray Blatche.

Habang si Calvin Abueva naman ay maagang na-eject sa game sa first quarter pa lamang nang suwagin nito ang isang Chinese player matapos siyang sikuhin nito.

Nagmistulang rematch ang banggaan ng dalawang teams sa nangyaring 2015 FIBA Asia Championship Finals kung saan tinalo ng China ang Pilipinas sa Changsha.

Ang team ngayon ng China sa Lebanon ay may dalawang seven footers na sina Muhao Li na nasa 7’2″, at Dejun Han na 7’1″.

Nandiyan din ang 6’11″ player na si Jinqui Hu na 19-anyos pa lamang.

Sa panig ng Gilas ang tallest player ay ang 6’9″ na si Japeth at may dalawang 6’8″ players na sina Almazan at Standhardinger.

Samantala, ilang bilang ng mga OFW naman ang hindi magkamayaw sa pag-cheer at pagpapalakas ng loob sa mga Pinoy players. BOBBY TICZON

loading...

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply