Pagpatay sa 17-anyos na lalaki sa Caloocan, iimbestigahan ng Senado

NAKATAKDANG ipatawag ng Senado ang ilang mataas na opisyal ng Caloocan City Police Station hinggil sa pagpatay sa isang 17-anyos na lalaki sa ginanap na anti-illegal drug operation sa lungsod.

Kahapon, naghain ng isang resolusyon si Sen. Bam Aquino upang imbestigahan ang pagkamatay ng biktima na nakitang kinaladkad ng pulis patungo sa lugar na pinagtagpuan sa bangkay.

“I plan to file a resolution kasi nakababahala talaga iyong news reports. Hindi lang iyan, may lumalabas pa na may paglilinlang sa pagpaslang,” ani Sen. Bam patungkol sa Grade 11 student na si Kian Lloyd delos Santos.

Ayon sa pulisya, pinaputukan sila ni Delos Santos kaya napilitan silang gumanti na ikinamatay ng biktima. Ngunit batay sa CCTV footage mula sa barangay, nakita na bitbit ng dalawang pulis ang biktima patungo sa lugar kung saan siya nakitang patay.

“Makikita naman natin na hindi siya bumunot ng baril dahil dala-dala siya sa sulok kaya kailangan itong maimbestigahan at maparusahan ang mga nasa likod nito,” dagdag ni Sen. Bam.

Suportado man niya ang kampanya ng pamahalaan kontra sa iligal na droga, iginiit ni Sen. Bam na dapat muling pag-aralan ng gobyerno ang kanilang istratehiya sa pagsasabing mahirap at walang laban lang ang apektado sa giyerang ito at hindi ang mga sangkot sa malalaking kaso ng iligal na droga.

Sa mga nakalipas na operasyon, 74 katao ang napatay sa Manila, Bulacan at sa Camanava area. ERNIE REYES

loading...

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply