UGAT NG PROBLEMA

Firing-Line-Robert-Roque-Jr.

NAPAKAINIT na isyu ang kargamento ng iligal na droga mula China na nagkakahalaga ng P6.4-bilyon na nakalusot sa Bureau of Customs (BoC) bunga umano ng katiwalian ng ilang opisyal.

Ito ang pinakamalaking shipment ng shabu na nakapasok sa bansa kaya nararapat masibak ang mga sangkot na opisyal.

Pero ayon sa liham ni Zhang Xiaohui, pinuno ng International Enforcement Cooperation Division-Anti-Smuggling Bureau (ASB) ng Customs ng China, batay sa kanilang intelligence ay wala raw Filipino na sangkot sa pagpupuslit ng droga sa ating bansa nitong nagdaang Mayo.

Bukod dito, nag-iisa umano itong shipment ng droga na ipinadala sa Pilipinas at walang iba silang natunugan.

Ang liham ay kanilang ipinadala kay Customs Commissioner Nicanor Faeldon na namumroblema at ilang ulit na hindi nakadadalo sa pagdinig ng House of Representatives dahil daw sa masamang kalusugan.

Pinuri pa ng ASB ang BoC dahil sa matagumpay nitong pagkumpiska sa 605 kilo ng shabu batay sa impormasyon na nagmula sa China.

Pero wala sanang magiging problema kung hindi nakalabas ang droga sa China.

Sa kanila nag-ugat ang problema at kung hindi sila naging pabaya ay hindi ito makararating sa Pilipinas.

* * *

Nilinis ng pinuno ng ASB ang pagkakaugnay ng mga Filipino sa pagpasok ng droga sa Pilipinas.

Pero nakaligtaan yata niya ang katotohanan na hindi makalalabas ng BoC ang napakalaking kargamento ng shabu kung hindi pinalusot ng corrupt na mga opisyal.

Kumanta na sa pagdinig ng Kongreso si Mark Ruben Taguba II, broker ng naturang kargamento ng shabu, at pinangalanan ang ilang opisyal ng Customs na regular umano niyang sinusuhulan para palusutin ang mga kontrabando.

Kung paulit-ulit siyang nakapagpupuslit palabas ng BoC ng mga kontrabando ay maliwanag na may korapsyon pa rin nagaganap dito.

Alangan namang isipin na ang nilalagyan ni Taguba rito ay ang tagapagwalis lang ng Customs.

* * *

Ang droga ay nasamsam ng pinagsanib na puwersa ng BoC at National Bureau of Investigation (NBI) sa isang warehouse sa Paseo de Blas, Valenzuela City.

Ang grupong dapat nauna sa pagpasok sa warehouse ay ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), pero tinawagan ang ahensya ilang oras makalipas ang raid.

Bukod dito, 100 kilong shabu lamang ang ipina-safekeeping sa PDEA samantalang ang 505 kilo ay ipinatabi sa NBI.

Kinuwestyon ito sa Senado at kinondena ang isang opisyal ng Customs.

Batay sa umiiral na batas ay dapat mapunta sa PDEA ang lahat ng droga na nakumpiska sa raid at hindi sa ibang ahensya.

May nagtatanong tuloy kung ano raw kaya ang balak ng Customs sa droga?

* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.

loading...

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply