3,500 PULIS-ISKALAWAG KASUHAN, ILANTAD

benny-antiporda12

SINASABI mismo ni Philippine National Police chief Ronald dela Rosa na nasa 3,500 ang iskalawag na pulis.

Maliit lang ang porsyentong ito kumpara sa nasa 175,000 kabuuang bilang ng mga pulis.

Subalit kung iisipin natin, anak ng tokwa, kung magsama-sama ang mga iskalawag na 3,500, napakalaking puwersa ito.

ARMADONG MAY TSAPA

Makapangyarihan ang mga iskalawag na pulis at hindi dapat na maliitin.

Imadyinin natin, mga Bro, na armado ang mga ito ng dalawang baril: isang mahaba at isang short firearm.

7,000 na armas ang dala-dala ng mga ito habang nasa opisina at nagpapatrulya.

Alalahanin ding 24/7 ang itinuturing ng batas na oras ng duty ng mga ito. Kaya naman, pupwede silang gumala sa araw at gabi na armado.

Kung gagawa ang mga ito ng kalokohan, kasama na ang pagpapalaganap ng droga, sino ang makapipigil sa kanila?

Eh, may tsapa pa ang mga ito at gumagamit pa ng mga sasakyan ng pulis.

Nakatatakot.

TALAGANG PARANG DIYOS

Hindi sinasabi ni Heneral dela Rosa, mga Bro, ang ranggo ng mga pulis na iskalawag.

Pero paano kung may mga heneral, kernel, major, kapitan at tenyente sa mga ito?

Paano kung nakapwesto ang mga ito sa Camp Crame bilang mga direktor o bilang mga regional, provincial, city o municipal chief of police?

Paano kung sila ang mga pinuno ng mga anti-kidnapping, anti-drugs, anti-terror group, anti-carnapping group, Criminal Investigation and Detection Group, Highway Patrol Group, Regional Mobile Force at iba pang ahensya ng PNP?

Aba, lalabas na hindi lang 3,500 ang mga ito.

Sapagkat may command sila sa libo-libong pulis dahil hawak nila ang mga kampo at kapangyarihan ng pulisya.

Eh, may sinibak na mismo si Pangulong Rodrigo Duterte na ilang heneral dahil sa pagkakasangkot sa droga.

Paano ang mga hindi pa napangangalanan ni Pangulong Digong dahil sadyang burado ang ngalan ng mga ito s mga krimen dahil sa kanilang impluwensya?

HAMON KAY HEN. BATO

Dahil si Heneral Bato na mismo ang nagsasabing may 3,500 iskalawag, naniniwala tayong may basehan na iskalawag ang mga tinawag niyang iskalawag.

‘Yun bang === natagpuan na ang mga ito na sangkot sa iba’t ibang krimen.

Siyempre pa, maaaring pwera rito ang mga may magagaan na kaso at may kasong inimbento lang para ma-harass ang mga ito ng mga galit sa kanila.

Kung totoo ngang kilala na ang mga iskalawag, ang hamon sa pamunuan ng pulisya ay kasuhan na ng mga wala pang kaso, disarmahan sila, tanggalin sila sa kanilang mga posisyon at bilisan ang mga kaso para matanggal sila sa serbisyo.

ISA PANG HAMON

Kung pupwede, i-publish ni Heneral Bato ang ngalan at picture ng mga ito sa media: diaryo, telebisyon, radyo, social media at iba pa.

Para sa atin, kahit libre at kakain ng espasyo sa ating mga diaryo ang ngalan at picture ng mga ito, susubukin naming i-publish lahat.

Ito’y para makilala sila ng mga mamamayan at maiwasang makipagtransaksyon sa mga ito.

KAHIT KONTI BASTA MATINO

Sabi ni Quezon City Police District Guillermo Eleazar, mas gugustuhin nito ang kakaunting pulis na tapat sa tungkulin at nagtatrabaho bilang tunay na pulis kaysa marami na nahaluan naman ng mga iskalawag.

Kasi naman, kung may respeto ang mga mamamayan, kasama na ang mga opisyal ng bayan, sa mga pulis, magiging napakaepektbo ang mga pulis bilang mga protektor at tagapaglingkod ng mga mamamayan.

Ilan na nga ba ang pinasibak ni Hen. Eleazar na pulis niya makaraang ma-entrap ang mga ito sa pamemera sa droga, iba pang pangongotong at iba pang kailigalan?

BASTA KUMONEK KAY DIGONG

Malaki talaga ang tiwala natin na nagsasabi ng totoo si Heneral Bato.

Ang kulang na lang ay ang pagtulad niya sana kay Pang. Digong na pinangangalanan ang mga iskalawag.

Bagama’t unti-unting pinangangalanan ni Pang. Digong ang mga iskalawag, lalo na ang mga sangkot sa droga, ang mahalaga’y nagpapangalan siya at pagpapangalan na rin ang pagbibigay niya ng kopya ng mga pangalan ng mga pulis sa PNP, Department of Interior and Local Government at iba ahensya ng pamahalaan para kumilos din ang mga ito laban sa mga iskalawag.

Kapag nagpangalan si Hen. Bato, asahan niya ang tulong ng taumbayan para sa pagliliis mismo sa kapulisan.

Napakalaking kapangyarihan ang meron sa mga mamamayan laban sa mga iskalawag.

Ang mga ito ang makatutulong sa paglilinis sa PNP kung magtiwala siya sa mga ito na magiging katulong niya sa giyera sa mga iskalawag.

oOo
Anomang reklamo o puna, mangyaring i-text lamang po sa 09228403333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA

loading...

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply