ALBAYALDE’S ACTION AGAD MODE

CHOKEPOINT-bong-padua6

DAHIL sa kapalpakan at katarantaduhan sa trabaho, sinibak ni National Capital Region Police Office Director Oscar Albayalde ang buong puwersa ng pulisya ng Caloocan.

Unang kabobohan ng Caloocan police na nagpainit sa ulo ng heneral ay ang palpak na operasyon na ikinamatay ni Kian Llyod delos Santos.

Kalilibing pa lamang ng 17-years old na si Kian ay nasawi naman si Carl Angelo Arnaiz, 19, sa palpak na namang operasyon ng mga pulis-Caloocan.

At habang pinaglalamayan ang labi ni Carl, nagsagawa ng police drug buy-bust operation ang mga pulis-Caloocan na nauwi sa pagnanakaw, gamit ang ilang menor-de-edad at P300K ang kanilang tinangay.

Tulad ng palpak na operasyon kay Kian na nakita sa Close Circuit Television ang drug buy bust at pagnanakaw sa subject ng operasyon ay nakunan din sa CCTV.

Bakas sa mukha ni Gen. Albayalde ang galit habang pinapanood sa CCTV ang ginawang pagnanakaw ng mga pulis-Caloocan.

Ang matindi, gumamit pa ang mga pulis ng bata at pilantod na nakakontodo baril pa na naging kasama rin nila sa paglimas sa bahay na pinasok.

Ang mga karumal-dumal na mga pangyayaring ito na nasaksihan din ng sambayanan sa mga telebisyon ay umani ng galit at public indignation.

Hindi man tuwirang ipinangalandakan, klaro sa mga nakaintindi na minumura ng madlang-people ang liderato ng PNP, lalo na si Police Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa.

Pero naging masikap si Gen. Albayalde – bilang Metro Manila police chief, napigilan niya ang nagngangalit na damdamin ng publiko.

Matapos kasing mapanood sa CCTV at makausap ang mag-asawang nilooban, kaagad ipinag-utos ng heneral ang pagtanggal sa buong puwersa ng Caloocan police.

Dahil sa ‘action-agad’ mode na ipinakita ni Gen. Albayalde ay kapansin-pansin naman na agad na humupa ang galit ng nababahalang publiko.

Sa pamamagitan din ng kanyang mabilis na pag-aksyon ay nailayo ang NCRPO sa isa na naman sanang dagok na magpapabaho sa imahe ng buong PNP.

Sa kasalukuyang panahon, ang pambansang kapulisan ay nahaharap sa matinding pagsubok dahil sa war on drugs na ipinag-utos ni Pangulong Duterte.

Sa ganang atin, dapat na maging maingat ang PNP sa pagsasaganap sa kanilang tungkulin para maiwasan ang ‘di nararapat na pakikipagkomprontasyon sa pinagsisilbihan nito – ang taumbayan. CHOKEPOINT/BONG PADUA

loading...

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply