‘Army captain’ nasa likod ng ‘recruitment?’ BINUBUONG KUDETA BUKING NA

army1

“NATUKOY” na umano ng Malacañang ang isang “binubuong kudeta” at ang nasa likuran nito na ang tanging layunin ay pabagsakin ang administrasyon ni Pang. Rodrigo Duterte.

Ayon sa isang source na tumangging ipabanggit ang pangalan, isang kapitan ng sundalo mula sa ‘Batch 2006’ ng Philippine Military Academy (PMA) ang “kumakausap” ngayon sa kanyang mga naging ‘mistah’ para bumuo ng kudeta at pababain sa puwesto ang kasalukuyang administrasyon.

Napag-alaman pa mula sa source na “bata” ng dating administrasyon ang naturang sundalo na umano’y “nag-aalok” ng pera sa mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para sumama sa kanyang planong kudeta.

Naniniwala rin ang source na mayroong mga taong nasa likod ni ‘Kuya Popoy’ na siyang nagbibigay ng pera upang manghikayat ng iba pang sundalo na sumama sa plano nitong kudeta na magpapabagsak sa pamunuan ni Pangulong Duterte.

Kilala umano sa tawag na ‘Kuya Popoy’ ang naturang ‘junior officer’ na tubong Tarlac.

Pinaniniwalaang malaki ang naging pakinabang ni Kuya Popoy sa nakaraang administrasyon kung kaya’t hanggang kasalukuyan ay buong katapatan nitong pinaglilingkuran ang mga naging amo nito.

Isa umanong patunay ay ang mabilis na pagyaman ng sundalong ito sa kabila ng hindi naman kalakihang kinikita nito bilang kasapi ng AFP.

Napag-alamang maraming mamahaling sasakyan ang sundalong ito at napakaganda rin ng pag-aaring bahay kung kaya’t lalo itong naging kahina hinala.

Dahil dito, kasalukuyan na ring nagsasagawa ng imbestigasyon ang Office of the Ombudsman kay Kuya Popoy upang matukoy kung saan talaga nanggaling ang yaman nito.

Sakaling mapatunayan ng Ombudsman na may “pailalim” na trabaho ang sundalo, malaki ang posibilidad na masampahan ito ng kaso kung saan maaari na rin itong matanggal bilang kasapi ng AFP.

Batay naman umano sa ‘monitoring’ ng Palasyo, “nahihirapan” umano si alyas Kuya Popoy na manghikayat ng kapwa sundalo para sumama sa planong kudeta dahil todo pa rin ang suporta ng mga tauhan at opisyales ng AFP sa administrasyon ni Pang. Duterte.

Ipinunto pa ng source na walang dahilan upang mawalan ng tiwala at suporta ang kasundaluhan sa administrasyong Duterte dahil na rin sa ipinapakitang pagpapahalaga’t suporta ng pangulo sa interes at kapakanan ng mga kasapi ng Sandatahang Lakas.

loading...

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply