AY NAKU… ANG KAPAL NAMAN

johnny_magalona1035

ANG hindi paghuli sa mga mambabatas na lalabag sa batas pantrapiko ang iginiit ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas sa ginawang pagdinig kamakailan sa House Committee on Transportation para maibsan daw ang matinding trapiko sa Kamaynilaan. (Uh.. may ganon?).

Sa kasagsagan kasi ng talakayin sa plenaryo, hiniling ng magaling na mambabatas ng 1st district ng Ilocos Norte na bigyan daw ng “parliamentary immunity” o huwag nang hulihin ang mga mambabatas na lalabag sa mga batas-trapiko habang papuntang Kamara.

Ang matindi rito ay sinisi pa ni Mr.Congressman ang tindi ng trapiko kaya raw nale-late ang ilang mambabatas kaya hindi raw nakadadalo o nakaboboto sa ilang mga sesyon sa Kamara. (Uhmm, talaga lang ah?)

Eh, ‘di pumasok kayo nang maaga at huwag kayong sumabay sa publiko na nagmamadali sa pagpasok sa mga pinagtatrabahuhan nila.

Ang sabi pa ni Fariñas, maaari namang isuko mismo ni House Speaker ang isang mambabatas na lumalabag sa batas trapiko pagkatapos daw ng sesyon. (Ganun ba ‘yun, hindi nga?)

Ang katwiran nila, saklaw ng Saligang Batas 1987 ang hindi pag-aresto sa mga lumalabag na mambabatas na nakapaloob sa Section 11 ng Konstitusyon.

Ay naku, Mr. 1st District Congressman, tila nangunyapit na yata sa utak ninyo ang sobrang kapangyarihan kaya pati kakapiranggot na problema sa batas trapiko ay balak pa ninyong ipa-exempt ang mga mambabatas na lalabag sa batas trapiko sa oras na may mga sesyon.

Eh, si Pangulong Rodrigo Duterte nga ay hindi humingi kailanman ng special treatment pagdating sa batas-trapiko.

Bakit hindi nila gayahin ito para naman kahit papaano ay walang masabi sa kanila ang mamamayan?

Bakit sila lang, eh, paano naman kaming mga nagbabayad ng buwis na ipapampasuweldo sa inyo na hindi dapat malate sa mga pinagtatrabahuhan. Wala rin ba kaming karapatang ma-exempt?

Aba’y ang dami-rami na ninyong pribilehiyo, pati ba naman sa batas trapiko ay gusto pa ninyong bigyan kayo ng “parliamentary immunity.”

Okey ka lang ba, Cong. Fariñas?

Hindi ba sobrang kakapalan na ‘yan, Mr. Congressman, hehehehe…

oOo
Anomang puna o reklamo i-text sa 09189274764, 09266719269 o i-email sa juandesabog@yahoo.com. JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA

loading...

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply