Babaeng anak ng radio reporter, pinatay sa Cebu City

PATAY na nang matagpuan ang babaeng anak ng isang radio reporter sa Cebu City ngayong umaga, Septyembre 21, Huwebes.

Sinabi ni SPO2 Rommel Bangcog ng Cebu City Homicide Section, na isasalang pa muna nila sa awtopsiya ang bangkay ng biktima na nakilalang si Maxi Bolongaita, para makumpirma kung ito ay ginahasa bago pinatay dahil may senyales na ito ay sinalbahe.

Nagtamo anya ang 29-anyos na biktima ng isang tama ng bala ng hindi pa malamang kalibre ng baril sa dibdib.

Wala pang ideya ang pulisya kung sino ang nasa likod ng karumal-dumal na krimen pero isa sa sinisilip na pangunahing motibo ay panggagahasa at pangalawa na lamang ang pagnanakaw.

Sa ulat, nadiskubre ang krimen dakong 7:55 a.m. sa loob mismo ng bahay ng biktima sa Barangay Busay, Cebu City.

Teyorya ni Bangcog, na maaring nangyari ang insidente sa pagitan ng alas-11 hanggang alas-2 ng madaling-araw dahil may katigasan na ang katawan ng biktima nang ito ay madiskubre.

Naniniwala rin si Bangcog na maaring kakilala ng biktima ang salarin kaya matapos itong gahasain ay pinatay para hindi na makapagsumbong pa sa pulisya.

Si Maxi, na isang call center agent, ay anak ni  DYRF-Cebu’s Alex Bolongaita.

Ni-represent ni Maxi ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas sa ginanap na Cebu Press Freedom Week noong 2016. Siya ay nanalo bilang Ms. Press Freedom 1st runner-up. BOBBY TICZON

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply