Election period sa barangay at SK polls, iniurong

comelec1
INIURONG ng Commission on Elections (Comelec) ng isang linggo ang election period para sa October 23 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) upang mabigyan ng pagkakataon ang Kongreso na maipasa ang panukalang magpapaliban sa naturang halalan.
Kinumpirma ni Comelec Chairman Andres Bautista na mula sa dating Setyembre 23 hanggang Oktubre 30, 2017, ay ginawa nilang mula Oktubre 1 hanggang Oktubre 30, 2017 na lamang ang election period para sa BSKE.
Paliwanag ni Bautista, dahil sa nasabing pagbabago ay mauurong din ang pagpapatupad ng mga prohibited acts sa panahon ng election period, tulad ng gun ban, gayundin ang filing ng Certificate of Candidacy (COC).
Una nang itinakda ng Comelec ang gun ban at filing ng COC sa Setyembre 23, na unang araw ng election period.
Ngunit ngayon aniyang Oktubre 1 na ang pagsisimula ng panahon ng halalan, ay sa naturang petsa (Oktubre 1) na rin nila sisimulang ipatupad ang gun ban na nagbabawal sa pagdadala ng baril at deadly weapons; paggamit ng mga security personnel o bodyguard ng mga kandidato; gayundin ang iba pang prohibited acts tulad nang paglipat ng mga opisyal at empleyado na nasa civil service kabilang na ang mga public school teacher; magsuspindi ng alinmang elective provincial, city, municipal o barangay officer.
Ang paghahain naman ng kandidatura ay iniurong rin ng Comelec sa petsang Oktubre 5 hanggang Oktubre 11, mula sa dating schedule nito na Setyembre 23 hanggang Setyembre 30. MACS BORJA
loading...

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply