Faeldon, ikinulong sa Senado

HINDI nakauwi si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon dahil ikinulong siya sa isang silid sa Senado matapos siyang patawan ng kasong contempt sa hindi pagdalo sa isang padinig ng Senate Blue Ribbon Committee.

Kinumpirma ito kahapon ni Sen. Richard Gordon, chairman ng BRC saka tiniyak na hindi malalabag ang karapatan ni Faeldon habang nakakulong sa Senado.

“Igagalang natin ang karapatan ni Commissioner Faeldon habang nakakulong ito sa kasong contempt,” ayon kay Gordon.

Bago ikulong, tumanggi naman dumalo si Faeldon sa pagdinig dahil ayaw nitong makaharap sina Sen. Panfilo Lacson at Antonio Trillanes IV na nag-akusa sa kanya na tumanggap ng lagay sa tara system sa Bureau of Customs (BOC).

Iniimbestigahan ng Gordon panel ang nakapuslit na P6.4-bilyong halaga ng shabu sa BOC na natuklasang dinala sa isang warehouse sa Valenzuela City. Isinangkot din si Faeldon sa tara system sa BOC na tumanggap ito ng milyong-milyon sa sindikato ng smuggler.

Kahit hindi humarap, nakipagkita at nakipag-usap naman si Faeldon kay Gordon bilang paggalang at respeto sa Senado.

“Hindi siya dumalo ngayon kasi ayaw niyang makaharap sina Trillanes at Lacson,” ayon kay Gordon.

Sinabi pa ni Gordon na pumayag si Faeldon na humarap sa anumang imbestigasyon maliban na lamang sa Senado sa paniniwalang mababastos lamang siya ng dalawang mambabatas.

Tulad ni Gordon, ipinauubaya rin ni Trillanes sa lahat ng miyembro ng komite kung ano ang magiging desisyon laban kay Faeldon.

Iginiit ni Trillanes na kahit pa kalaban niya si Faeldon ay naranasan niya din ang hirap ng makulong kung kaya’t bahala na ang mga miyembro ng komite ang magdesisyon sa kanyang kapalaran kung saan siya ikukulong. ERNIE REYES

loading...

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply