GIYERA SA MEXICO AT GIYERA SA PINAS

benny-antiporda12

SA bansang Mexico mula Enero 2012 hanggang Hunyo 2017, may naitalang 200,000 kataong patay, kasama na ang nasa 30,000 missing dahil sa giyera sa droga ng pamahalaan.

Isinusulat natin ito dahil mayroon ding giyera sa droga sa mahal kong Pinas.

Ang malaking pagkakaiba, mga Bro, ay militar ang gamit ng Mexico dahil hindi na nila mapagkakatiwalaan ang mga pulis na hinihinalang kasabwat o tauhan mismo ng mga druglord.

Sa Pilipinas naman, pulis ang pangunahing pwersang panggiyera sa droga at lumalabas ding may kasabwat o druglord mismo bagama’t kakaunti lang ang bilang ng mga ito.

SA ILALIM NG 2 PANGULO

Dalawang Pangulo na ng Mexico ang naglulunsad ng giyera.

Sinimulan ang giyera ni Pang. Felipe Calderon noong Disyembre 2006 at natapos ito noong Disyembre 2012.

Sumunod na naging Pang. si Enrique Peña Nieto noong Disyembre 2012 at matatapos ang termino nito sa 2018 ngunit ipinagpatuloy nito ang giyersa sa droga.

Gaya ng nasabi natin, nasa 200,000 na ang patay sa nakalipas na 11 taon sa Mexico dahil sa giyera sa droga at tiyak na lalaki pa ang mamamatay hanggang sa matapos ang termino ni Nieto.

NAKATATAKOT

Sa naunang apat na taong panunungkulan ni Calderon, may naitalang patay sa pagitan ng mga pwersa ng pamahalaan at mga nasa droga at sa pagitan ng mga grupong droga na naglalaban-laban sa kanilang agawan ng negosyo at teritoryo, may naitalang mahigit sa 13,000.

Pero sa buong taon ng 2011, anak ng tokwa, nasa 27,000 ang napatay at sinundan na ito ng nasa 20,000-25,000 mahigit na napapatay taon-taon hanggang 2016.

Sa unang anim na buwan ng 2017, may mahigit nang 10,000 napapatay.

Sa taong ito, kasama na ang Lungsod ng Mexico sa mga lugar ng giyera at libo-libo na ang napa­patay rito samantalang noong una, sa mga malalayong lalawigan at lungsod lang nagaganap ang giyera.

Kasama ang 30,000 missing na ipinalalagay ng patay na rin sa rami ng mga minamasaker at inililibing nang maramihan, hayun nga at umabot ang patay sa 200,000.

TALAGANG NAKATATAKOT

Talaga namang nakatatakot ang nagaganap sa Mexico dahil kung may napapatay, isinasabit o itinatali ang mga ito sa mga puno, tulay at iba pa para maiparamdam ng mga killer ang kanilang kapangyarihan at may akusasyong gawain din ito ng militar.

Daan-daan namang pulis mula sa mga heneral hanggang sa mga regional, provincial, city at municipal police ang pinagsisibak sa pwesto dahil sa pagkakasangkot nila sa droga.

Hindi rin mabilang ang mga mayor, gobernador at iba pang matataas na opisyal ang napapatay.

Pati media ay pinapatay rin at sa katunayan, kasama ng Pilipinas ang Mexico na top ten sa media killings sa buong mundo.

Lalo na sa panahon ng nagdaang dalawang administrasyon.

$260M USAID TAON-TAON

Ngayon, alam ba ninyo, mga Bro, na nasa $260-milyon ang tulong-pinansyal ng Amerika sa Mexico sa giyera nito sa droga?

At alam ba ninyo na nagiging makapangyarihan ang mga nasa droga, mula sa mga narco-politician at pulis hanggang sa mga sindikato dahil galing din sa Amerika ang mga malalakas na armas ng mga ito?

At alam ba ninyo na binabaha ang Amerika ng shabu, cocaine at iba pang iligal na droga mula sa Mexico na nagkakahalaga ng bilyon-bilyong dolyar na ikinamamatay ng maraming Kano, kabilang na ang mga artista gaya nina Whitney Houston, Michael Jackson at Prince?

Kaya gayun na lang kung gumastos ang Amerika kahit nangangahulugan ng kamatayan ng 200,000 kataong Mexicano.

Pinadadaloy ang tulong sa ahensyang USAID.

NAGSUSUMBONG SA MGA KANO

Ngayon ay sa mga Kano nagsusumbong, tumatakbo at nagpapasaklolo ang mga nagrereklamong kritiko ni Pang. Digong ukol sa giyera sa droga sa sarili nating bansa.

Nasa Amerika rin ang kilalang mga financier ng mga nagrereklamo at umaabot na ang panawagan ng mga ito na bumaba si Pang. Digong sa puwesto at palayain na rin si Senador Leila de Lima na ikinulong sa bintang na pinagkaperahan nito ang droga.

Nakapagtataka lang na oks sa mga nasa America ang pagtulong ng mga Kano sa Mexico sa giyera nitong mas madugo at nakamamatay kumpara sa giyera sa droga sa Pinas.

At nakapagtataka rin na oks sa mga kritiko ang US sponsored na giyera sa Mexico pero hindi oks sa giyera sa Pinas na binabansagan nilang ban­sa ng EJK kahit kakaunti pa lang ang napapatay.

oOo
Anomang reklamo o puna, mangyaring i-text lamang po sa 09228403333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA

loading...

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply