KABUHAYAN PATAY SA LUZON AVE. MANILA WATER PROJECT

sa-kantot-sulok

SINO ba naman ang ayaw sa improvement ng serbisyo para sa taumbayan? Wala siyempre, hindi ba? Pero paano kung ang sinasabing “improvement project” ay sobrang nakapeperhuwisyo na o nagiging salot sa pang-araw-araw na kabuhayan ng mga tao.

Katulad halimbawa ng inirereklamong proyekto ng Manila Water sa Luzon Avenue sa Quezon City.

Ang pagpapahusay ng linya ng tubig sa nasabing lugar ay para raw sa pagpapabuti ng serbisyo ng Manila Water sa kanilang mga kostumer. Ayos! Maganda! Bravo!

Ngunit sana, kasabay ng sinasabing “pagpapabuti ng serbisyo” ng Manila Water sa kanilang mga konsyumer, pagbutihin din nito ang ginagawa nilang pagbubutas sa nasabing kalsada.

Aba’y para po sa kabatiran ng pamunuan ng Manila Water, pinagmumumura na po kayo ng mga motorista, mananakay at maliliit na negosyante na dumaraan sa Luzon Avenue dahil sa napakapangit na sitwasyon ng kalsadang iyan.

Itinatanong po nila mga boss diyan sa Manila Water kung hanggang kailan matatapos ang kanilang kalbaryo sa pagbaybay sa nasabing kahabaan.

Matapos hukayin ng magagaling na tauhan ng inyong kontraktor na E.M. Sicat , itiniwangwang na bako-bako na para kang nasa buwan at putik-putik ang kalsada ng Luzon Avenue. Kung gumagawa man sila ng solusyon ay hindi talaga solusyon.

Tiradang tamad at nagtitipid sa gastos ang pagtapal lang ng buhangin sa mga lubak-lubak sa hinukay na kalsada. Tapos ay sasabayan pa ng pag-ulan kaya nagkakaputik-putik.

Hindi lang mga pribado, pati mga tricycle na naghahanap-buhay sa lugar ay sobrang perhuwisyo na ang inabot. Karamihan sa kanila, ayaw nang mamasada. Wala na tuloy makain ang iba at maibigay na pambaon sa mga nag-aaral na anak.

Wala ring magawa ang mga pasahero na idinadaan na lang sa pag-iling ang sama ng loob.

Ayon sa mga residente sa lugar, nangangamba sila na abutin ng ilang taon na iwang wasak-wasak ang kalsada ng Luzon Avenue.

Kasi baka pagkatapos daw ng proyekto ng Manila Water diyan, hayaan na lang na ganyan ‘yan. Hihintayin na lang daw ang road widening project naman ng DPWH.

Taena! Kung ganyan, baka mangyari ang banta ng mga namamasadang traysikel d’yan na baka sila ay magwelga sa harap ng opisina ng ahensiya at magkaroon ng sakitan. Maghalo na raw ang balat sa tinalupan!

***
Para sa inyong komento, mag-text sa 09159318378 o kaya’y mag-email sa natstudla_taboy@yahoo.com.ph. KANTO’T SULOK/NATS TABOY

loading...

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply