MALAYA ANG LAHAT NA MAGPROTESTA

benny-antiporda12

MULING natapos ang isang araw na maituturing na isa sa pinakamahalagang araw ng kasaysayan ng mahal kong Pinas.

Mahalaga ang Setyembre 21 dahil sa petsang ito idineklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos noong 1972.

Sinasabi na may 10,000 biktima ng martial law noon subalit may nagrehistro yatang nasa 70,000 sa martial law claims board.

Silang mga biktima ay namatay, na-torture, nabilanggo, nasaktan, nawalan ng lupa at hanapbuhay, nawalan ng pag-aaral at iba pa.

Sila rin ang nawalan ng karapatang magsalita at magreklamo sa mga maling gawain ng pamahalaan.

Kung tutuusin, hindi sapat ang espasyong ito para ilatag ang lahat ng hindi magandang karanasan ng mamamayan noon.

ARAW NG PROTESTA

Ngayon nga ay idineklarang pambansang araw ng protesta ang Setyembre 21.

At mismong ang Malakanyang na ang naghihikayat sa lahat ng mamamayan na magprotesta, anoman ang nilalaman ng kanilang reklamo at hinaing.

Siyempre pa, may mga may protesta para sa kanilang mga sariling interes lamang.

May dalawa namang malalaking grupo na magkahiwalay sa kanilang mga protesta.

‘Yun bang === pro at anti-Duterte administration.

May kanya-kanyang lugar na pinagdarausan ng protesta.

Ang karapatan na magsalita ay ibinigay nang buo ngayong araw sa lahat ng mamamayan at mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagtiyak nito sa pamamagitan ng nasabing deklarasyon.

OCCUPY EDSA

Bilang bahagi ng kalayaan sa pamamahayag, sinabi ng Pangulo na kung gusto ng mga nagpoprotesta na okupahin ang EDSA, magsabi lang sila.

Ito’y para makagawa ang pamahalaan ng mga rerouting ng mga sasakyan.

Maaari umanong isara pa ang EDSA kung kinakailangan subalit bahala naman umano ang mga raliyesta kung babalikwas ang taumbayan sa kanila.

Ang taumbayan din kasi mismo ang mahihirapan kung magbubunga ang protesta ng katakot-takot na trapik.

HINDI SABOTAHE

May nagsasabing sabotahe umano sa protesta ng mga anti-Duterte ang pagsuspinde ng klase ng mga paaralan sa lahat ng antas at ng trabaho sa lahat ng sangay ng gobyerno sa ilalim ng ehekutibo, kasama na ang mga local government unit.

Hindi kasali ang mga hukuman at Kongreso.

Dahil sa suspensyon at tigil trabaho, hindi tuloy makakasama umano sa protesta ang mga estudyante at government worker.

Para sa atin, mababaw ang katwirang ito dahil kung may ipinaglalaban ka talaga, sasali ka sa protesta at gumawa ng paraan para rito.

Kumpleto namang ang biyahe ng mga pampublikong sasakyan at pupwede mo ring gamitin ang sarili mong sasakyan upang pumunta ka sa lugar ng protesta.

Sa usaping estudyante, mahirap o masakit isipin na maiipit lang sa trapik ang mga kabataan, lalo na ang mga ayaw sumali sa protesta.

Boluntaryo, mga Bro, ang pagsali sa protesta at hindi sapilitan upang walang problema.

KALINISAN

Isa nga pala, mga Bro, sa mga importante sa mga rali.

Dapat na iwasan ang pagkakalat ng mga basura mula sa maliliit na bagay hanggang sa malalaki.

Napansin kasi natin na sa mga protesta na trak-trak ng basura ang nalilikom ng mga basurero sa mga dinaraanan at pinagdarausan ng mga ito.

Ang mga basura, kung hindi maayos na mailagay sa dapat kalagyan ang kabilang sa mga nagpapahirap sa atin sa tag-ulan at baha.

Milyon-milyong mamamayan ang natatrapik sa ilalim ng ulan kung nagbabara ang mga drainage dahil sa mga basura.

HUWAG MANGGULO

Bagama’t natapos na ang isang araw na protesta, may nagsasabing itutuloy nila ito.

Kaya naman, sinasabi ng Pangulo na magsabi lang ang mga ito upang maisaayos ang daanan ng mga sasakyan at hindi mahirapan ang lahat sa trapik ng sasakyan.

Ang isang napakahalagang pakiusap lang ay huwag lilikha ng gulo ang mga ito na maaaring magbunga ng malawak ng kaguluhan.

Natural lang na papasok ang pwersa ng militar at pulisya para pigilin ang kaguluhan.

WALANG ARMAS

Upang maiwasan ang kaguluhan, naging kautusan na rin sa mga pulis na huwag magdala ng kahit anong armas.

Nagawa na ito noong isagawa ng State of the Nation Address at nakatulong ang kawalan ng armas ng mga pulis at militar na nasa lugar para sa bawas-tensyon at girian ng mga magkakatunggaling raliyesta.

Kaya naman, paiiralin ang parehong patakaran.

Dapat ding gawin ng mga raliyesta ang patakarang ito.

Huwag nilang hayaang may magdadala ng baril o anomang nakamamatay na armas sa kanilang hanay.

oOo
Anomang reklamo o puna, mangyaring i-text lamang po sa 09228403333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA

loading...

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply