MGA GANID ANG NAG-UUDYOK SA PROTESTA

deadshot-erwin-tulfo

LAHAT ng mga tumutuligsa kay Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte na tinagurian nilang isang “diktador” ay mangyaring kainin na ang kanilang pinagsasasabi.

Iyan ay dahil sinumang mamamayan ay malayang makapagsasagawa ng kilos-protesta laban sa kanya ngayong Huwebes, Setyembre 21, ang anibersaryo ng Martial Law na ipinataw ng dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Idineklara ni Manong Digong bilang “National Day of Protest” ang September 21 para ipakita na welcome ang taumbayan na mag-alsa boses.

Okey lang na magprotesta laban sa Martial Law sa Mindanao.

Okey lang na magprotesta laban sa katiwalian sa pamahalaan.

Okay lang na magprotesta laban sa laganap na kahirapan.

Okay lang na magprotesta sa mga patayan sa anti-illegal drugs campaign.

Huwag lang nating kalimutan na ang mga problema ng bansa ay hindi maaaring isisi sa Pangulo na mahigit isang taon pa lang naninilbihan.

Ang mga problemang yan ay matagal nang nandyan at siyang hinaharap ng administrasyong Duterte dahil hindi na resolba ng mga nakaraang pamahalaan.

Hindi pa mayor ng Davao City si Manong Digong ay masahol na ang problemang pang kapayapaan sa Mindanao.

Ang katiwalian sa gobyerno ay sagad sa buto sa nagdaang mga dekada.

Ang kahirapan ay lalung lumala sa 30 taon makaraang mapatalsik si Marcos.

Ang mga mayayaman lalung yumaman.

Ang iligal na droga ay laganap sa lahat ng sulok ng komunidad at nagumon sa bisyo ang mga kabataan at matatanda, mahihirap man o mayayaman.

Iyan ang dahilan kaya payag si Manong Digong na magprotesta ang lahat ng mga nadedehado o naaargabyado.

Ngunit dapat isisi at tuligsain ang mga ganid na pulitiko na nagpasasa sa mahabang panahon.

Sila-sila rin ngayon ang mga nag-uudyok sa taumbayan para magprotesta laban sa pamahalaan! DEADSHOT/ERWIN TULFO

loading...

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply