Tumangging magbigay ng P20, trike driver inutas

DAHIL sa hindi umano nagbigay ng P20 sa isang lalaki, isang tricycle driver ang pinatay sa saksak kagabi sa Tondo, Maynila.

Kinilala ang biktimang si Rowell Luna, 34, ng 883 Area-A, Gate 3, Parola Cmpd., Tondo, habang nakatakas naman ang suspek na si Diosdado Alvero, alyas ‘Baga,’ nasa edad 50-pataas, ng 615 Gate 3, Parola Cmpd.

Dakong 9:30 ng gabi nang maganap ang krimen sa MICP Rd., harapan ng Gate 3, Parola.

Bago ito, nilapitan ng suspek ang biktima habang naghihintay ito ng pasahero at hiningan ng P20.

Tumanggi naman umano ang biktima at sa halip ay tumatawang niyakap pa ang suspek.

Ikinainsulto naman ng suspek ang ginawa ng biktima kaya’t galit na galit na umuwi ito ng bahay at kumuha ng patalim na may habang 12-pulgada.

Kaagad din nitong binalikan ang biktima at walang sabi-sabing tinarakan nang dalawang beses sa katawan, saka mabilis na tumakas.

Isinugod naman ng kanyang kapwa tricycle driver na si Alvin Briones, na nakasaksi sa krimen, ang biktima sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ngunit nasawi rin habang ginagamot dakong 10:48 ng gabi.

Patuloy namang pinaghahanap ng mga pulis ang suspek upang panagutin sa krimen. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

loading...

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply