20% discount sa pasahe ng estudyante, inalmahan

PINALAGAN ng grupong Piston ang desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na 20% discount sa pamasahe ng mga estudyante kahit na weekend at holiday.

Sinabi ni Piston president George San Mateo, pakana ito ng pamahalaan para madagdagan na naman ang iisipin ng mga jeepney driver.

Maaalalang tinututulan din ng kanilang grupo ang planong modernisasyon sa mga jeepney pagkat lubhang maapektuhan ang mga driver at operator nito.

Aniya pa, hindi naman gobyerno ang tatamaan ng kanilang pagsunod sa nasabing diskwento, na aniya’y labis na mararamdaman pagdating ng bakasyon ng mga estudyante.

Kaugnay nito, nanawagan naman sila na kung pwedeng magkaroon ng subsidiya ang mga driver na maaapektuhan, ngunit wala pang pahayag ang tanggapan ukol dito.

Magugunitang inilabas ng LTFRB ang memorandum nitong Lunes na nagsasaad ng 20% na diskwento sa mga estudyante sa buong linggo kasama na ang summer break, pati mga legal at special holiday na magsisimula sa October 28.

Gayunpaman, hindi parte ng nasabing discount ang mga nag-aaral ng medisina, law, masteral at doctoral. BOBBY TICZON

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply