INUTIL ANG PDEA LABAN SA DROGA

MABUTI at nagsasabi ng totoo ang Philippine Drug Enforcement Agency na hindi nila kayang labanan ang salot na droga nang sila-sila lamang.

Katwiran ni Gen. Aaron Aquino, sobrang liit ng kanilang pwersa kumpara sa rami ng mga sangkot sa droga at lawak ng bansa na kanilang sasakupin sa kanilang operasyon.

Kaya naman, kahit na inalis na ang Philippine National Police bilang panlaban sa droga, sinasabi ni Gen. Aquino na hihilingin pa rin nila ang tulong nito.

Maganda ring isipin na nagboboluntaryo ang Armed Forces of the Philippine na tutulong ito sa giyera ng PDEA.

2,000 LANG SILA

Sabi ng PDEA, nasa 2,000 lang ang bilang ng kanilang pwersa na sasabak sa giyera. At humihingi pa lang sila ng dagdag mula sa pamahalaan.

Napakaliit ang kanilang bilang talaga kung ikukumpara sa kanilang trabaho.

Tingnan ninyo ito, mga Bro. May 81 na lalawigang, may 145 na lungsod, may 1,489 na munisipyo at may 42,036 na barangay.

Sa buong Pilipinas ‘yan.

INUTIL TALAGA

Kung pagsama-samahin ang mga lalawigan at ikumpara sa bilang ng mga taong PDEA, anak ng tokwa, wala pang isang ahente nito ang mailalarga sa bawat isa sa mga ito.

Kung ikukumpara naman ang 2,000 sa 42,036 na barangay, aba, isang PDEA agent ang made-deploy sa bawat 2,000 na barangay.

Paano nga magiging epektib ang PDEA laban sa mahigit isang milyong sangkot sa droga?

‘Yan ay kung maging aktibo nang sabay-sabay ang mga sumurender sa Oplan Tokhang.

Ang kalabasan niyan ay maliwanag na kainutilan kahit sabihin nilang magpupursige sila.

SAAN PA MAGING INUTIL?

Tingnan pa natin ang sitwasyong ito, mga Bro.

Halimbawang walang mapapatay sa mga operasyon ng droga at masasampahan lang ng kaso ang mga mahuhuli, alam ba ninyong nakauubos ito ng malaking oras?

Imadyinin na lang ninyo na maghahabol ang PDEA ng mga hindi nahuhuling miyembro ng sindikato, aba, pati ang pagsasampa ng kaso sa tamang oras ay maaapektuhan.

Kapag nakasampa na ang mga kaso at marami ang kanilang nasampahan, mauubos din ang oras ng mga taga-PDEA sa kadadalo sa mga hearing ng mga piskal at huwes.

TAKTIKA

May taktika umano ang mga taga-PDEA para magiging epektib na giyera. ‘Yun bang === magkokonsentreyt sila sa mga malalaking isda.

Kung malaki ang mabibingwit nila, titigil din umano ang mga nasa ibaba ng mga ito.

Aba, pupwede. Pero ganoon ba kadali ‘yan?

Ang totoo, magagaling ang mga nasa droga sa pagdurugtong ng kanilang mga gawain.

Laging may nakasalang na kapalit ng mga nahuhuli o napapatay.

Kaya naman, matatali na ang mga taga-PDEA sa pagdalo sa mga kaso sa piskalya at hukuman, mahahatak pa sila sa mga aktibong nagpapatuloy ng salot.

340,000 PULIS, MILITAR

Kung totoong may 170,000 na pulis at may 170,000 ding sundalo, nasa 340,000 lahat ang mga ito.

Sabi ng PDEA, kailangan nila ang mga pulis at sundalo para umalalay sa kanila.

Kung hindi umano mangyayari ito, hindi susuko ang PDEA kundi sinasabi nilang sadyang hindi nila kaya ang lumaban nang todo.

PIYESTA

Nakikini-kinita natin, mga Bro, na magpipiyesta ang mga sangkot sa droga. Mga druglord, narco-politician, ninja cop, tulak at adik.

‘Yan ay kung hindi tutulong ang mga pulis at sundalo sa laban. Magagawa nila ang gusto nila.

Babalik ang kalakarang paglalaro ng mga daga dahil sa kawalan ng pusa.

Sa ibang salita, mga Bro, maaaring babalik sa droga ang mahigit 1,000,000 sumurender sa Oplan Tokhang.

At sa katunayan, marami sa mga nahuhuli at napapatay na lumalaban ang dati nang mga sumurender. May mga bago rin na hindi nakikilala noon.

At kung saluhin ang mga ito ng mga druglord, narco-politician at ninja cop na lumikha sa kanila, ano sa palagay ninyo ang mangyayari?

PAGBABALIK

Ang nakatatakot, mga Bro, ay kung babalik ang dating nagaganap.

‘Yun bang === ang mga sangkot sa droga ang pumapatay, nangre-rape, nang-aagaw cellphone, nang-aakyat-bahay at iba pa.

Hindi imposibleng mangyari ito dahil nga sa liit ng bilang ng mga taga-PDEA.

Kung ngayon nga na todo ang giyera, eh, nakapagmamaniobra ang mga sangkot sa droga, ‘di lalong magwawala ang mga ito kung PDEA na lang ang kikilos?

TUMULONG TAYO

Pero may isang mahalagang sangkap, mga Bro, sa giyera sa droga.

Walang lakas ng loob ang marami sa atin na tumulong laban sa salot.
Iniaaasa na lang natin ang lahat sa mga pulis at sundalo, lalo na sa mga pulis.

Eh, alam naman nating marami sa mga ito ang iskalawag gaya ng 9,000 sangkot sa droga.

Ang totoo, maraming alam ang mga mamamayan at kung kikilos lang sila, walang dahilan para hindi magtagumpay ang giyera sa droga.

oOo
Anomang reklamo o puna, mangyaring i-text lamang po sa 09228403333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply