AKSYON SA PAGDAMI NG ‘YELLOW ALERT’ KAILANGAN

“AN ounce of prevention is better than a pound of cure”, wika nga sa Ingles.

Kailangang maging handa tayo sa pagharap sa mga banta sa kalagayan ng bansa at ito ang dapat isipin ng mga pinuno ng Energy Regulatory Commission.

Aba’y habang lumalaki ang ekonomiya ng bansa lalong umiinit na panahon na higit pang lumalaki ang pagkonsumo natin sa kuryente.

Hindi ba ninyo alam na nakababahala ang nabalitang may anim na beses na palang nagka-yellow alert sa sektor ng enerhiya sa bansa nitong Setyembre na ang ibig-sabihin ay malapit nang kapusin ang ating supply ng kuryente.

Mula nang magsimula ang taon, may tatlong beses nang nagkaroon ng red alert at nagka-brown out sa kakulangan ng supply ng kuryente.

Sa mga obserbasyong ito, ayon sa mismong pahayag ng pinagsanib na pulong ng komite ng Kongreso sa enerhiya at good government and public accountability na maganda naman ang resulta nang mapansin ang indikasyon na tila patuloy ang paglago ng ekonomiya.

Pero paano natin ngayon mapapabilis at mapalalaki ang produksiyon sa bansa kung hindi matutugunan ang batayang pangangailangan sa enerhiya?

Dapat pa ngang pansinin na napakamahal ng ating bentahan sa kuryente kumpara sa ibang bansa.

Biruin ninyo isa ang Pilipinas sa may pinakamahal na elekrisidad sa bahaging ito ng Asya na sa katotohanan, isa ito sa mga dahilan kung bakit marami ang natatakot magtayo ng malaking pabrika o negosyo na malaki sana ang maitutulong sa pagbigay ng trabaho sa mga Pilipino.Sa harap ng mga hamong ito, kailangan nating manawagan sa ERC upang maging higit pang maagap at masinop sa gawain nito.

Base sa Konggreso, may mga nakabinbing aplikasyon para sa power supply agreements ang Manila Electric Company na ‘di bababa sa 90 PSAs na ang dapat desisyunan ng ERC.

Ibig-sabihin, nakaumang na ang mga proyekto para sana sa produksiyon ng dagdag na kuryente pero hindi ko lang alam kung naiipit o iniipit ng mga ito sa proseso ng pag-aaral at pag-apruba ng ERC.

Gaya ng nasabi na, kailangang maging maagap tayo sa pagharap sa mga banta sa kalagayan ng ating bansa kung tutulog-tulog tayo hindi, mas lalo pang lalala ang sitwasyon lalo na kung dumalas pa at lumawak ang brownout, masama ang epekto nito sa produksyon, kalusugan at pangkalahatang lagay ng ating mga mamamayan.

Baka gawin pang dahilan ang nakaambang kakapusan sa kuryente sa pagtataas ng presyo ng bilihin.

Kailangan ang mabilis na aksyon ng ERC na pangmatagalan at kailangan nating pag-ibayuhin pa ang programang pang-enerhiya ng bansa bilang mahalagang tuntungan ng sustenidong kaunlaran.

oOo
Anomang puna o reklamo i-text sa 09189274764,09266719269 o i-email sa juandesabog@yahoo.com. JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply