‘Anti-Passport price increase’ nasa DFA budget na

HINDI makalulusot sakaling tangkain ng Department of Foreign Affairs (DFA) na itaas ang halaga sa pagproseso ng pasaporte dahil nakatakda sa 2018 budget ng ahensiya ang probisyon na “Anti-Passport Price Increase.”

Inihayag ito ni Senador Grace Poe matapos tuluyan nang isaproseso ang bagong sistema ng pagkuha ng passport na aabot hanggang 10 taon alinsunod sa itinakda ng bagong batas.

“Naglagay kami ng isang linya na nagsasabing hindi maaaring magtaas ng halaga ng 10-taong pasaporte ang DFA sa kanilang badyet para sa 2018, at mananatili ang halaga katulad ng 5-taong dating validity ng passport,” ayon kay Poe.

Aniya, kondisyon ang naturang probisyon sa hinihinging P3.1 bilyon upang ipambili ng passport booklets sa susunod na taon.

“Kung mananatili ang bilang ng pahina, walang dahilan upang itaas ang presyo,” ayon kay Poe.

Nagpapataw ng P950 ang DFA sa regular processing o maide-deliver ang passport sa loob ng 15 working days at P1,200 naman sa ”express processing” na makukuha sa loob ng pitong araw.

Kamaikailan, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Republic Act 10928 bilang batas na naglalayong palawigin ang panahon ng validity ng Philippine passport mula sa dating 5 taon tungo sa 10 taon maliban doon sa menor de edad na dapat kumuha ng passport kada limang taon dahil nagbabago pa ang kanilang mukha.

“Gusto lang nating siguraduhin na ang passport na doble ang haba ng bisa ay hindi magiging doble ang presyo ng pagkuha,” ayon kay Poe.

Sinabi ni Poe na gumagamit ngayon ang mga Filipino ng 44-pahinang passport, 39 pahina na puwedeng tatakan. “Hindi naman lahat ng Pinoy ay jetsetter eh.”

Umaabot sa tatlong milyong Filipino ang kumukuha ng bago o nagre-renew ng passport kada taon.

“Hindi na kailangang tumubo pa ang ating pamahalaan sa pag-issue ng isang dokumento na kailangan ng ating mga OFW sa kanilang hanapbuhay. Higit P1.34 trillion ang remittances nila last year. Ang abot-kayang passport ang sukli natin sa kanilang mga sakripisyo,” ani Poe.  ERNIE REYES

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply