Atty. Gadon, tinawag na troll ng kampo ni Sereno

BINUWELTAHAN ng kampo ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno si Atty. Larry Gadon, isa sa naghain ng impeachment complaint laban sa kanya at tinawag na nagmumukha nang troll dahil sa iba’t ibang ideya na ipinalulutang nang walang basehan.

Ayon kay Atty. Josa Deinla, abogado ni Sereno, mismong kay Gadon na nanggaling na ang pagpapa-impeach niya kay Sereno gayundin ang pagsasampa ng reklamo kina Comelec Chairman Andres Bautista at Ombudsman Conchita Carpio-Morales ay paraan para mawalis na sa gobyerno ang yellow virus.

Sina Sereno, Bautista at Morales ay pawang in-appoint sa puwesto ni dating Pangulong Noynoy Aquino.

Ayon kay Deinla, maraming sinasabi sa publiko si Gadon na hindi pinag-iisipan bagkus hangad lamang na makapag-sensationalize ng isyu, sa ganitong istilo umano ay wala na siyang pinagkaiba sa troll.

Payo ni Deinla, balikan ni Gadon ang oath nito bilang abogado dahil tila nakakalimutan na nya ito.

Hinamon pa ng abogado si Gadon na basahin ang mga desisyon ni Sereno na malinaw na hindi ito pumapanig sa yellow forces gaya ng bintang ni Gadon.

“Ang mga desisyon ni CJ Sereno sa bawat kaso ay nakabase lamang sa batas at ebidensya at sa bawat desisyon ay malinaw doon ang pagiging independent ng Puning Mahistrado,” pahayag ni Deinla.

Kanina ay naghain ng mosyon sa House Committee on Justice ang kampo ni Sereno para igiit ang hiling na ma-cross examine ng mga abogado nito ang mga saksing ihaharap sa impeachment hearing.

Kinonvert ng kampo ni Sereno sa mosyon ang hiling na ito sa komite matapos hindi inaksyunan ang 2 naunang liham na naka-address lamang kay Justice Committee Chairman Rey Umali.

Nanindigan si Deinla na ginagarantiya ng Saligang Batas ang kanilang inilalaban na karapatan, bagama’t handa umano ang kanyang kliyente na sagutin at komprontahin ang mga ihaharap na saksi. -30-

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply