BALATAN SILA NANG BUHAY AT I-FIRING SQUAD

MAGBANTAY sa Metro Manila laban sa mga teroristang kasapi ng Islamic State of Iraq and Syria na pinamunuan ni Isnilon Hapilon at kasangga nitong Maute brothers ng Maute Group.

Magbantay dahil sa Metro Manila dinakip ang isang babae na aktibong nagrerekluta ng mga Pinoy at dayuhan na gustong sumapi sa ISIS sa mahal kong Pinas.

Nakadetine na sa National Bureau of Investigation ang suspek na si Karen Aizha Hamidon.

MISIS NG 2 TERORISTA

Si Hamidon ay asawa ngayon ni Mohhamad Jaafar Maguid alyas Tokboy o Abu Sharifa na lider ng Ansar Khalifa Philippines.

Si Maguid ang itinuturong nasa likod ng pambobomba ng Davao City night market noong Disyembre 2016.

Naging asawa rin umano ni Hamidon si Singaporean Muhammad Shamin Mohammed na may kaugnayan din sa ISIS.

KONEKTADO

Sa mga impormasyong ito, masasabi nating hindi talaga malaya sa terorismo ang Metro Manila, at maaaring ang iba pang bahagi ng bansa bukod sa Mindanao.

Ito’y dahil sa pagkakadakip kay Hamidon na nakatira sa Taguig City.

Kay Hamidon mismo ang bahay umano na roon siya nadakip. Nangangahulugan na may mga kasapi ng ISIS sa Metro Manila.

Maaaring may tumira mismo kay Hamidon at ‘yung iba ay nakatira sa ibang mga lugar.

Alalahaning nitong nakaraang mga buwan ay may nahuli ring nakatira sa Quezon City.

MAGBANTAY

Ang sabi ng mga awtoridad, magbantay ang lahat sa posibleng pagresbak ng mga terorista sa pagkakapatay kina Isnilon at Maute brothers.

Maaari ring magkalat ang mga ito sa iba’t ibang lugar ng mga pambobomba at pagpatay dahil sa kanilang idolohiya.

Kung nagagawa nga ng mga ISIS ang mamaril at mambomba sa Amerika, France, Germany, England at iba pang mga bansa, hindi imposibleng gawin nila ito sa Pinas.

Eh, sinubukan nga nilang magtayo ng kanilang gobyerno at sariling teritoryo sa Marawi City.

Ito’y makaraan silang maharang sa pagtatayo ng sarili nilang gobyerno sa bayan ng Butig sa Lanao de Sur.

HINDI PA TAPOS

Sinasabi ng mga awtoridad na malaya na ang Marawi City sa mga terorista bagama’t may mangilan-ngilan pang terorista sa lugar na nakikipaglaban sa mga puwersa ng pamahalaan.

Pero ang totoo, hindi pa tapos ang digmaan laban sa mga ito. Nakakalat pa ang marami sa mga miyembro ng ISIS sa Mindanao sa ngalan ng Abu Sayyaf Group.

Wala ngang katapusan ang pangingidnap for ransom ng mga ito. Meron pa ring mga kasapi ng Maute Group at meron ding iba pang grupo gaya ng ng Ansar Khalifa.

Isa pa, lahat ng panahon at lahat ng lugar, lalo na ang Mindanao, ay pupwedeng dayuhin ng mga terorista mula sa Malaysia, Indonesia at Singapore.

At heto nga, may nahuli sa Taguig City.

TULUNGAN SILA

Nagsimula na ngang muling ibangon ang Marawi City mula sa pagkakalugmok.

May balak na magtayo ang pamahalaan ng mga bagong komunidad sa labas mismo ng lungsod, sa mga bakanteng lote o lupa.

Naririyan din ang paggiba at paglilinis ng lahat ng mga bahay at gusali na nasira sa digmaan.

May nagmumungkahi namang hayaan na lang na giba-giba ang ilang istuktura bilag alaalan ng digmaan laban sa terorismo.

Pero sa lahat ng mga gawaing pagpapabangon sa mga taga-Marawi, sana magtulungan ang lahat.

Mga mamamayang Marawi, mga dayo, ang pamahalaan, ibang mga Pinoy.

Maaaring taon ang abutin sa pagbangon ng Marawi at maaaring para sa ilan o maraming pamilya, baka abutin pa nga sila ng dekado bago sila makarekober nang buo mula sa bangungot ng digmaan.

Pero ang mahalaga ay naririyan ang kagustuhan nilang bumangon muli.

PANAHI

Kabilang sa mga nasimulan nang isagawa ang pagsasanay para sa pananahi dahil marami sa mga taga-Marawi ang mananahi at nagnenegosyo sa tela.

Kakambal nito ang pamimigay sa mga nakatapos ng pagsasanay ng mga makina panahi.

Malaking puhunan na rin ito sa lumalabas na mga ulat, ma kasamang kaunting kapital ang ipinasasama sa mga pagsasanay para sa iba’t ibang hanapbuhay o negosyo.

Pero ‘yung iba, kukunin umanong mga trabahador para sa mga demolisyon sa mga nagibang mga tahanan at gusali.

Kung tutuusin, matagalan ang mga trabaho at karaniwang taon ang binibilang bago matapos ang mga proyekto.

KORAPSYON DURUGIN

Ang isang mahalagang gawin sa rehabilitasyon ng Marawi ay pagtiyak na hindi makapasok ang mga korap at mandarambong.

Sinasabing maaaring aabot sa P150-bilyon ang gagastusin upang ganap na maibangon ang Marawi.

Ngayon, tiyak na may mga naglalaway na sa nasabing pondo. Pangunahing ang pamahalaan ang pagmumulan ng pondo.

Maaaring may mga donasyon na salapi, materyales at serbisyo.

Ang mga naglalaway naririyan lamang.

Noong rehabilitasyon ng mga biktima ng Yolanda at kahit sa kasagsagan ng pagtulong sa mga ito laban sa kamatayan, sakit at iba pa matapos ang pangyayari na pumatay ng nasa 8,000 katao at sumira sa buhay ng nasa apat milyong mamamayan, anak ng tokwa, nagsilitawan ang mga magnanakaw, korap o mandarambong.

Hindi lang ang mga donasyong galing sa loob at labas ng bansa ang kinorap at dinambong.

Kinorap at dinambong din ang mga proyektong pabahay.

BALATAN NANG BUHAY

Kung may mangorap at mandambong, pinakamaganda sigurong balatan ang mga ito nang buhay.

Pwede ring ipa-firing squad na lang sa mga riding in tandem sa droga.

Walang lugar sa ating mahal na Pinas ang mga korap at mandarambong.

oOo
Anomang reklamo o puna, mangyaring i-text lamang po sa 09228403333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply