Cocoy Dayao tugis ng Senate Police

cocoy-dayao1

TINUTUGIS ng Senate Police o miyembro ng Sergeant-At-Arms ng Senado ang kilalang blogger ng Silent No More na si Edward Angelo Dayao o alyas Cocoy Dayao matapos magpalabas ng subpoena ang Senate committee on public information and mass media kamakailan.

Ayon sa mapagkakatiwalang source ng pahayagang ito mula sa Senado, naghanda ng dalawang team ang Office of the Sergeant-At-Arms para tugisin si Dayao na responsable sa paglalathala ng mapanirang post na ‘7 Deadly Sens’ na tumutukoy sa pitong senador na hindi lumagda sa resolusyon ng minorya laban sa extrajudicial killings.

Pinabulaanan ng pitong senador ang paratang ni Dayao sa manipestasyon sa Senado nina Senador Manny Pacquiao, Cynthia Villar, Juan Miguel Zubiri, Richard Gordon, Gringo Honasan, Senate Majority Leader Vicente Sotto III at Senate President Koko Pimentel.

“Bumuo na ng dalawang team ang OSAA para tugisin si Dayao dahil may ipinalabas na subpoena ang komite ni Sen. Poe,” ayon sa source.

Idinagdag pa ng source na malamang nagtatago na si Dayao dahil hindi na siya makita sa “known address” ng suspek na nagpakalat ng pekeng balita.

“Wala pa kaming masyadong detalye, pero hinahanap na siya (Dayao),” ayon sa source.

Kamakailan, nagpalabas ng subpoena si Senator Grace Poe laban kay Dayao matapos mabigo itong dumalo sa unang pagdinig ng komite hinggil sa pagkakalat ng pekeng balita tulad ng ginawa ni Dayao sa kanyang blog na “Silent No More.”

“Well sa ngayon si Dayao pa lang ang may subpoena kasi mukha talagang hindi niya gustong sumipot, ‘yung iba reiteration for invitation and siguro kasi ngayon nakatutok tayo sa budget proceedings, so, siguro after that,” ayon kay Poe.

Maaaring makulong si Dayao sa lugar na pinili ng Senado sakaling ayaw nitong magsalita hinggil sa kanyang mapanirang blog alinsunod sa kapangyarihan ng Senate na ipakulong ang sinomang susuway sa kautusan ng alinmang komite sa imbitasyon o subpoena.

Ayon kay Poe, maraming dapat ipaliwanag si Dayao dahil siya ang may hawak ng website na nagkalat ng balita laban sa pitong senador na hindi lumagda sa naturang resolusyon.

“Kaya sinasabi ko sa kanya, ‘Mr. Dayao, kung hindi totoo ang mga paratang sa’yo, magpakita ka rito at ieksplika mo dahil kung hindi ka nagpapakita at nagtatago ka sa likod ng isang anonymous blog, lalong iniisip ng tao na ikaw ay may kasalanan,” giit ni Poe.

Iginiit pa ni Poe na nakita sa isang research na pag-aari ni Dayao ang ginamit na email account sa pagkakalat ng fake news dahil natuklasan ang ID Number nito sa kanyang Google Account.

“Pagdating doon, na-check doon kung paano konektado ‘yung iba’t ibang mga account na ‘yan, tapos doon sa kanyang isang account. May mga iba namang leads na maaaring magturo na siya ay may kinalaman, pero walang substitute sa mismong pagpapaliwanag niya sa ating komite,” aniya. ERNIE REYES

loading...

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply