Comelec chair Bautista, nag-resign na

andres-bautista1

INANUNSYO na ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista na bababa na siya sa posisyon sa pagtatapos ng taong 2017.

Ang pahayag ay ginawa ni Bautista sa gitna ng alegasyon ng kanyang sariling asawa na nagkamal siya ng bilyong halaga ng nakaw na yaman simula nang maupo siya sa gobyerno.

Sa isang liham na ipinaskil ni Bautista sa kanyang Twitter account, sinabi ni Bautista na matapos siyang makapag-isip at manalangin ay naniniwala siyang ito na ang tamang panahon upang bumaba na siya sa puwesto.

Aminado siyang hindi madali ang desisyong ginawa niya ngunit nagpasya aniya siyang gawin ito dahil higit siyang kailangan ngayon ng kanyang pamilya, partikular na ng kanyang mga anak.

“It is with deep sadness that I am informing you about my decision to resign as Chair of the Commission [on Elections] by the end of the year,” bahagi ng liham ni Bautista.

“After much thought and prayer, I believe that this is the right time for me to step down given the postponement of the Barangay and SK elections. It was not an easy decision. But my family, especially children, need me now more than ever,” aniya pa.

Naniniwala rin si Bautista na napagsilbihan niya ng maayos ang komisyon at mga mamamayang Filipino sa abot ng kanyang makakaya, sa tulong ng mga opisyal at empleyado ng poll body.

Nagpasalamat rin si Bautista sa mga empleyado ng poll body na nagpahayag ng suporta at kumpiyansa sa kanyang pamumuno.

Sa isang panayam, sinabi naman ni Bautista na nais niyang magkaroon ng mas maraming oras para sa kanyang mga anak.

Nanindigan rin siya na simula’t sapul ay hindi naman siya kapit-tuko sa posisyon.

Pinayuhan pa niya ang taong makakapalit niya sa pwesto na maging mapagpasensya at matiyaga sa pagtupad sa tungkulin.

Nauna rito, ibinunyag ni Patricia, dating asawa ni Bautista, na nagkamal ng P1-bilyong ill-gotten wealth ang poll chief na hindi nito inilagay sa kanyang statement of assets liabilities and net worth (SALN), na mariin naman niyang pinabulaanan.

Sinampahan ng impeachment case si Bautista dahil dito ngunit ibinasura lamang ito ng House justice committee.

Noong Agosto ay nagsama-sama ang mga commissioners ng poll body na sina Christian Robert Lim, Luie Tito Guia, Ma. Rowena Amelia Guanzon, Al Parreno, Arthur Lim at Sheriff Abas upang ipanawagan ang pagbibitiw o di kaya’y paghahain ng leave of absence ni Bautista upang maasikaso nito ang paglilinis ng kanyang pangalan.

Tumanggi naman muna si Bautista na kaagad na magdesisyon hinggil dito dahil nais muna aniya niyang manalangin at mapag-isipang mabuti kung ano ang makabubuti niyang gawin.

Matatandaang si Bautista ay itinalagang chairman ng Comelec ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III noong 2015, at siyang namahala sa 2016 automated elections, na nagluklok sa puwesto kay Pangulong Rodrigo Duterte. MACS BORJA

loading...

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply