Ex-GF binantaang ia-upload ang ‘nude pics’, BF tiklo

TIKLO ang isang lalaki matapos maaresto sa entrapment operation makaraang pagbantaan nito ang dating kasintahan na i-upload sa kilalang networking site ang mga hubad na larawan at videos ng babae kaninang umaga, Oct. 20, sa Malabon City.

Si Jaymar Gozon, 28, ng 111 D.C. Bauza St., Brgy. Bagumbayan South, Navotas City ay naaresto ng mga operatiba ng Malabon Police Community Precinct (PCP) 6 sa loob ng fastfood chain sa Rizal Ave., Brgy. Tañong matapos pumayag ang kanyang ex-girlfriend na si Camille Atienza, 25, na makipagkita sa kanya.

Ayon kay Malabon police head of investigators Insp. Paul Dennis Javier, unang humingi ng tulong si Atienza sa mga awtoridad matapos i-post ng kanyang ex-lover ang hubad niyang mga larawan at videos sa kanyang private message (PM) sa pamamagitan ng messenger na walang paalam sa kanya.

Pinagbantaan din ng suspek ang ex-girlfriend na i-post ang kanyang mga hubad na larawan at videos sa social networking site facebook kung hindi ito pumayag na makipagkita at makipagbalikan sa kanya.

Sa ikinasang entrapment operation ng mga tauhan ng PCP-6 ay naaresto ang suspek at nakuha sa kanya ang Samsung Duos phone kung saan naka-save ang mga hubad na larawan at videos ng biktima.

Sinampahan ng pulisya si Gozon ng kasong paglabag sa R.A. 9995 (Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009 and Grave Coercion) sa Malabon City Prosecutors Office. ROGER PANIZAL

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply