GOBYERNONG REBOLUSYONARYO

MARAMING tao ang naaalarma sa babala ni President Duterte na plano niyang magtatag ng gobyernong rebolusyonaryo upang labanan ang planong pagpapabagsak umano sa kanyang gobyerno.

Kinukuwestyon ng marami nating kababayan ang katwirang ito lalo na’t maging ang kanyang defense secretary na si Delfin Lorenzana ay nagdududa rin kung totoo nga ang naturang plano.

Ang totoo ay nagdulot ito ng pagkalito. Ano nga ba ang destabilization plot na sinasabi ng Pangulo? At bakit siya magbubuo ng revolutionary government samantalang mangangahulugan ito na lalabanan niya ang sarili niyang administrasyon kung saan siya ang Punong Ehekutibo?

Naaalala ko nang magbuo si dating President Cory Aquino ng gobyernong rebolusyonaryo upang mahadlangan ang diktadura na pinatatakbo ni dating President Ferdinand Marcos. Pero ito ay maituturing na pangangailangan upang mabura ang lahat ng nalalabi sa diktadura ni Marcos.

Oo, mayroon tayong mga rally at demonstrasyon pero sapat na ba ito upang mapabagsak ang gobyerno?

Ang mga pagpoprotesta ay laging nariyan bilang pamamaraan upang maipahayag ng mga tao ang kanilang pananaw at maipakita sa lahat na ang demokrasya ay nananatiling buhay at maayos sa ating bansa.

May mga rebeldeng komunista at teroristang Muslim din tayo na galit sa isa’t isa at nagbabangayan kaya imposibleng magkaroon sila ng sabwatan para pabagsakin ang administrasyon.

Ang mga transport strike ay lagi rin nariyan at mahirap paniwalaang bahagi ito ng destabilization plot na tulad ng sinabi ni Attorney Aileen Lizada, board member ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board. Ang pinakahuling strike ay pagpoprotesta sa nalalapit na jeepney phaseout at modernisasyon.

Tinukoy ni Lizada na karamihan ng nakiisa sa transport protest ay mula sa working o labor sector at makakaliwang grupo.

Pero alalahanin natin na karamihan ng kilos-protesta ay sinusuportahan ng mga makakaliwa at komunista na aktibong sumasali sa mga panawagan laban sa gobyerno kahit na ano pa ang maging dahilan nito.

Hindi naniniwala ang Firing Line na ang hangarin ni Duterte na makapagtatag ng revolutionary government ay isang plano para malihis ang atensyon ng publiko sa isyu ng kanyang yaman at mga pag-aari.

Kung magtatatag ang Pangulo ng revolutionary government sa puntong ito, kailangan niyang ideklarang bakante ang lahat ng posisyon upang masupil ang mga pagsisikap umano para mapabagsak ang kanyang gobyerno.

Ayon kay Attorney Christian Monsod, miyembro ng 1986 Constitutional Commission, si Duterte ay kailangang magbigay ng daan sa mga political dynasty at warlord upang manatili sa kapangyarihan sa ilalim ng revolutionary government na wala ring ipinagkaiba sa diktadura.

* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply