LUBOG SA PAMBANSANG KAPULISAN

MUKHANG tama ang ginawang desisyon ng Philippine National Police na pagsibak sa puwesto sa mga tauhan ng Caloocan City Police at pagtatalaga sa mga ito upang magsanay.

Sa ginawang pagtatalaga ng buong puwersa ng mga dating miyembro ng Caloocan Police, magkakaalaman kung sino-sino sa mga ito ang mga lubog o tauhang nasa 15th at 30th na hindi naman pumapasok pero sumasahod nang walang kaltas.

‘Yun nga lang, hindi naman talaga natatanggap ng mga pulis na ito ang kabuuan ng kanilang suweldo.

Sapagkat halos kalahati lang ang natatanggap nila dahil hindi naman sila pumapasok bunga ng iba’t ibang dahilan.

Tulad na lamang ng pagkakaroon ng sariling negosyo kaya’t napupunta ang kanilang dapat kubrahin sa kanyang superyor.

Kaya nga nagkabukingan dahil sa paggawa ng kalokohan ng mga bagitong pulis.

Mantakin n’yo, kulang pa sa gulang sa trabaho ay nadamay ang mga nananahimik na pangalan ng mga bagitong pulis na ito na hindi nga nagtatrabaho pero sumusuweldo dahil na rin sa proteksyon ng kanilang hepe.

Dapat-rati kasi, noon pa man ay nagsasagawa na ng imbentaryo sa mga tauhan o pulis hindi lang ang pambansang pulisya subalit maging ang National Police Commission ay hindi rin umaksyon sa problemang ito.

Madalas sa hindi, announced ang inspection na ginagawa ng Napolcom kung kaya’t napagre-report sa mga hepe ang kanilang mga tauhan na lubog o ‘yung 15th-30th.

Magandang makapagsagawa ng lifestyle check ang PNP at Napolcom sa mga opisyal at tauhan ng PNP bukod pa sa number check upang mabatid kung sino- sino ang hindi pumapasok at kumikitang opisyal dahil sa “ghost cops.”

Sa totoo lang, hindi lang Caloocan Police ang dapat maimbestigahan at maipadala sa training center.

Dapat isama na rin ang iba pang mga himpilan ng pulisya sa Metro Manila na maraming palpak na mga opisyal at tauhan.

Isa kasi itong paraan upang mabatid kung sino- sino ang mga ‘di nagdu-duty na pulis at kumikitang opisyal.

O, eh, ‘di sisimulan na ng PNP ang tamang aksyon para mabatid kung sino-sino ang mga lubog na pulis at opisyal na nagpapayaman sa kanilang tungkulin gamit ang mga hindi pumapasok na tauhan nila. PAKUROT/LEA BOTONES

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply