MAS MALAKING HAMON SA MARAWI CITY

MATAGUMPAY ang pagbawi at pagpapalaya sa Marawi City mula sa mga kamay ng mga rebeldeng terorista ngunit nahaharap ang Sambayanan sa mas malaking hamon at iyan ay ang makamtan ang puso ng mga kapatid nating Muslim.

Sa paglupig sa Maute Group at Abu Sayyaf na naghasik ng lagim sa Marawi City, capital city ng Lanao del Sur, napatunayan ng Duterte administrasyon na hindi nito papayagan na manaig ang terorismo.

Sinasaluduhan natin ang kabayanihan ng mga tropa ng Armed Forces of the Philippines partikular na ang 163 sundalo na nabuwis na kanilang buhay at 1,700 sugatan.

Hindi matatawaran ang kanilang sakripisyo at paglilingkod sa Inang Bayan at karapat-dapat lamang natin silang kilalanin at bigyang-pugay.

Ngayon, nasasakamay ‘di lang ng liderato ni Pangulong Duterte kundi ng buong sambayanan ang tagumpay ng pagbangon muli ng Islamic City of Marawi.

Hindi kaila sa ating lahat ang pagkakawasak ng buong siyudad na ngayon ay mistulang abo dahil sa limang-buwan na madugong labanan.

Ngunit hindi sapat ang pagtatayo muli ng mga istraktura at kabahayan para sa mga displaced residents.

Kinakailangan ng recovery and rehabilitation sa lahat ng aspeto ng pamumuhay ng ating mga kababayan sa Marawi City at ganoon din sa buong Mindanao.

Kasama riyan ang pagtulung-tulong para maibalik ang mekanismong pangkabuhayan at kalakakalan, ang mga institusyon ng edukasyon, mga ospital, pagamutan at ahensya ng pangkalusugan, at mga tanggapan at ahensiya ng lokal na pamahalaan.

Kapit-bisig nating pagtutulong-tulungan ang pagbangon muli ng Marawi City. DEADSHOT/ERWIN TULFO

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply