MORALES USAD-PAGONG KINA CRISOLOGO AT IBA PA, PERO…

BILANG instrumento sa paglaban at pagsugpo ng katiwalian, korapsyon, at pandarambong ng mga opisyal at kawani ng pamahalaan, dapat mabilis, tapat at walang kinikilingan ang Office of the Ombudsman.

Ito’y katotohanang dapat lang na sang-ayunan nating lahat, kabilang na ang mga abogado, eksperto sa Saligang-Batas, dilawang puwersa, at pulahang aktibista, lalo na iyong kabilang sa pangkating Jose Ma. Sison ng Communist Party of the Philippines.

Pero, mula Hulyo 2011 hanggang sa kasalukuyan ay hindi ginagawa ng Office of the Ombudsman sa ilalim ng pamumuno ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na maging mabilis, tapat, at walang kinikilingan ang sinasabi nating “independent Constitutional body” na Office of the Ombudsman.

Ang multi-milyong proyekto ni Quezon City Rep. Vicente “Bingbong” Crisologo noong 2009 na ipinagkatiwala niya sa Kaloocan Assistance Council Inc. na pinamumunuan ng isang Cenon Mayor ay nasangkot sa katiwalian at korapsyon.

Ang kaso ni Crisologo ay noon pang 2009 kung saan si Gloria Macapagal Arroyo pa ang Pangulo ng bansa, ngunit kamakailan natapos nina Carpio-Morales ang imbestigasyon.

Ngayon pa lang Oktubre 2017 nakumpleto ng mga imbestigador ni Carpio-Morales ang umano’y malakas at matibay na mga ebidensya laban kay Crisologo.

Ganyan kakupad ang Office of the Ombudsman sa ilalim ng pamumuno ni Carpio-Morales.

Bukod kay Crisologo, marami pang opisyal ng pamahalaan ang nasampahan ng kasong paglabag sa Anti-Graft and Corruption Practices Act at Plunder Law, ngunit masyadong matagal ang imbestigasyon ng tanggapan ni Carpio-Morales.

Pero, ang nakapagtataka ay napakabilis ng tanggapan ni Carpio-Morales sa reklamong tagong-yaman umano ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nitong unang linggo lamang ng Setyembre pormal na humiling si Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang ng kopya ng bank accounts ni Duterte sa Anti-Money Laundering Council, ngunit nitong Setyembre rin isinapubliko niya ang iniyayabang niyang dokumentong galing sa AMLC na umaabot sa P2-bilyon daw ang kwestiyunableng yaman ni Duterte.

Tahasan namang itinanggi ng AMLC na naglabas na sila ng dokumentong hinihingi ni Carandang.

Kung titingnang mabuti, ang dokumento ni Carandang ay kahawig ng dokumentong hawak ni Senador Antonio Trillanes.

Solidong kinampihan ni Carpio-Morales si Carandang kahit alam na alam niyang wala sa mandato ng Office of the Ombudsman na imbestigahan ang kasalukuyan Pangulo ng bansa.

Malisyoso ang ginagawa nina Carpio-Morales at Carandang, ngunit hindi binabatikos ng mga kalaban at kritiko ni Duterte ang Office of the Ombudsman.

Ang masama, ipinagtatanggol pa nila ang kabalbalan nina Carpio-Morales at Carandang.

MEDICAL MISSION NI BONGBONG MARCOS MATAGUMPAY

KAHIT abala sa kanyang protestang elektoral laban kay Bise-Presidente Leni Robredo, tuloy pa rin ang pagsisilbi ni dating Senador Bongbong Marcos.

Kamakailan, nagsagawa si Bongbong ng medical mission sa Barangay 176 sa Lungsod ng Caloocan na solidong sinuportahan ni Mayor Oscar Malapitan.

Sabi ni Malapitan, ang administrasyong Malapitan ay handang makipagtulungan kay Bongbong at iba pang lingkod-bayan para sa tapat na paglilingkod sa mga residente ng Caloocan.

***
Problema at hinaing n’yo, itawag, o i-text sa: 09985650271. BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply