Muslim wedding niratrat, tatay ng ikakasal dedo

IMBES pormal at taimtim, naging madugo ang isang Muslim wedding rites nang pagbabarilin ng mga hindi nakikilalang lalaki ang tatay ng babaeng ikakasal habang sugatan naman ang mamanugangin nito sa Cotabato kaninang Huwebes ng umaga.

Sinabi ni Chief Insp. Reynaldo Delatien, chief ng Cotabato City police station 2, na hindi na umabot pa ng buhay sa Cotabato Regional and Medical Center ang biktima na si Nasifh Abdullah Sampiano, 52, dating tserman ng Barangay Purakan, Balabagan, Lanao del Sur.

Tinamaan naman ng ligaw na bala sa katawan ang groom sa kasal na si Abil Gampong Balindong, 35, ng Malabang, Lanao del Sur.

Blangko pa ang pulisya kung sino ang nasa likod ng pag-atake at kung ano ang motibo sa pagpatay sa biktima.

Sa ulat, naganap ang insidente dakong 10:30 a.m. sa isang mosque sa loob ng Mall of Alnor compound.

Ayon sa pulisya, bago ang pamamaril ay ikinakasal si Balindong at anak na babae ni Sampiano sa loob ng “masjid”.

Pero biglang sumulpot ang mga suspek at isa sa kanila na armado ng 9mm pistol ang pinagbabaril si Sampiano ng ilang ulit.

Naniniwala naman ang pulisya na ang target lamang talaga ng pagatake ay si Sampinao at nadamay na lamang si Balindong. BOBBY TICZON

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply